Book of Common Prayer
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
“Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.
19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
Panalangin Upang Iligtas
Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”
9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Awit ng Pagtatagumpay
118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
3 Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
4 Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
5 Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
6 Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
7 Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
8 Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
9 Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”
17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.
20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!
21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.
22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.
28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
13 O langit, magpuri ka sa tuwa!
Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok,
sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ni Yahweh.
Nakalimutan na niya tayo.”
15 Ang sagot ni Yahweh,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
16 Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan.
Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,
at ang nagwasak sa iyo ay paalis na.
18 Tumingin ka sa paligid at masdan ang nangyayari.
Ang mga mamamayan mo'y nagtitipun-tipon na upang umuwi.
Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy,
ang nagsasabi: ipagmamalaki mo sila balang araw,
tulad ng babaing ikakasal na suot ang kanyang mga alahas.
19 “Aking pinabayaan na mawasak ang iyong bansa,
ngunit ngayon ito'y magiging masikip sa dami ng tao;
at ang mga taong dumurog sa iyo
ay itatapon sa malayo.
20 Sasabihin ng mga anak mo balang araw
na isinilang sa pinagtapunan sa inyo:
‘Ang bayang ito'y maliit na para sa atin.
Kailangan natin ang mas malaking tirahan.’
21 Sasabihin mo naman sa iyong sarili,
‘Kaninong anak ang mga iyon?
Nawala ang mga anak ko, at ako nama'y hindi na magkakaanak.
Itinapon ako sa malayo,
ako'y iniwang nag-iisa.
Saan galing ang mga batang iyon?’”
22 Ang(A) sagot ng Panginoong Yahweh sa kanyang bayan:
“Huhudyatan ko ang mga bansa,
at ang mga anak mo'y iuuwi nila sa iyo.
23 Ang mga hari ay magiging parang iyong ama
at ang mga reyna'y magsisilbing ina.
Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo
bilang tanda ng kanilang paggalang;
sa gayon ay malalaman mong ako nga si Yahweh.
Hindi mapapahiya ang sinumang magtiwala sa akin.”
Kautusan o Pananampalataya?
3 Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! 2 Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? 3 Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! 4 Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. 5 Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo?
6 Tulad(A) ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” 7 Kung(B) gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. 8 Bago(C) pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” 9 Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya.
10 Ang(D) lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” 11 Malinaw(E) na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[a] 12 Ang(F) Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng itinatakda ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.”
13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy.” 14 Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus at sa pamamagitan ng pananalig ay matanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos.
Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(B) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”
37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”
Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[a]
38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.
Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”
39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[b]
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)
45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.