Book of Common Prayer
Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)
105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
2 Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
3 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
5 Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
6 O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!
7 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
8 Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
9 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(E) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(F) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(G) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(H) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(I) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.
23 At(J) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(K) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.
26 Kanyang(L) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(M) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(N) ginawang dugo ang kanilang tubig,
at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(O) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(P) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(Q) niya sila ng yelo bilang ulan,
at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(R) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(S) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.
37 At(T) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(U) inilatag ang ulap bilang panakip,
at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(V) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(W) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
at si Abraham na kanyang lingkod.
43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(X) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
9 Ang Efraim ay mawawasak
sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10 Ang mga pinuno ng Juda ay naging
gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11 Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12 Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13 Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
ni malulunasan man ang inyong sugat.
14 Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15 Ako'y muling babalik sa aking dako,
hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.
6 “Halikayo at tayo'y manumbalik sa Panginoon;
sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo;
sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan.
2 Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin;
sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo,
upang tayo'y mabuhay sa harap niya.
3 At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang Panginoon;
ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway;
at siya'y paparito sa atin na parang ulan,
tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa.”
Ang Tugon ng Panginoon
4 Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim?
Anong gagawin ko sa iyo, O Juda?
Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga,
at parang hamog na maagang umaalis.
5 Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta;
pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig;
at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag.
6 Sapagkat(A) nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay,
ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.
Dinakip si Pablo
27 Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,
28 na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”
29 Sapagkat(A) nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30 At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.
31 Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.
32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33 Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34 Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.
35 Nang dumating si Pablo[a] sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.
36 Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
6 Isang(B) araw ng Sabbath habang bumabagtas si Jesus[a] sa mga triguhan, ang mga alagad niya ay pumitas ng mga uhay at pagkatapos ligisin sa kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito.
2 Subalit sinabi ng ilan sa mga Fariseo, “Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
3 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya at ang mga kasamahan niya ay nagutom?
4 Siya'y (C) (D) pumasok sa bahay ng Diyos, kinuha at kinain ang tinapay na handog,[b] at binigyan pati ang kanyang mga kasamahan na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang?”
5 At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”
Ang Taong Tuyo ang Kamay(E)
6 Nang isa pang Sabbath, siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaki na tuyo ang kanang kamay.
7 Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay nagmamatyag sa kanya kung siya'y magpapagaling sa Sabbath upang makakita sila ng maibibintang laban sa kanya.
8 Subalit alam niya ang kanilang mga iniisip at sinabi niya sa lalaki na tuyo ang kamay, “Halika at tumayo ka sa gitna.” At siya'y tumindig at tumayo.
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Itinatanong ko sa inyo, ipinahihintulot ba sa kautusan na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama kung Sabbath? Magligtas ng buhay o pumuksa nito?”
10 At matapos niyang tingnan silang lahat ay sinabi sa kanya, “Iunat mo ang iyong kamay.” Gayon nga ang ginawa niya at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.
11 Subalit sila'y napuno ng matinding galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001