Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 78

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
    mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
    ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
    at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
    ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
    at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
    na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
    ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
    sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
    hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
    mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
    sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
    sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
    at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
    sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
    ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.

32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
    ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
    bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
    nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
    pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
    hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.

38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
    ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
    dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
    hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.

40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
    ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
    ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
    gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
    ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(J) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
    kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(K) na mga langaw at palaka ang dumating,
    nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(L) ang maninira sa taniman ng halaman,
    mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(M) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
    anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
    sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
    kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
    mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
    yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
    dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(N) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
    ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.

52 Tinipon(O) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
    inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(P) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
    samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(Q) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
    sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(R) niyang lahat ang naroong namamayan,
    pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
    sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.

56 Ngunit(S) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57     katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
    nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
    nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
    itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(T) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
    yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(U) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
    binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
    kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
    dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
    ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.

65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
    parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
    napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
    at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
    at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
    katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.

70 Ang(V) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
    isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
    nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
    lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

Ester 5

Ang Panalangin ni Mordecai[a]

Dahil(A) dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya: “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel. Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito. Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo. Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman. Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel. Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas. Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang. Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon. 10 Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”

11 Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.

Ang Panalangin ni Ester

12 Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon. 13 Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti. 14 At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:

“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang. 15 Haharap ako sa napakalaking panganib. 16 Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.

17 “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway, 18 sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon. 19 Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan 20 na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana. 21 Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.

22 “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.

23 “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. 24 Bigyan(B) mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. 25 Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.

26 “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito. 27 Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae. 28 Ako(C) na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan. 29 Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham. 30 “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”

Dumulog si Ester sa Hari[b]

Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit. Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae. Lumakad siyang akay ng isang lingkod, habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit. Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba. Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo. Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod. Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna. Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa. 10 Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan. 11 Lumapit ka.” 12 Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”

13 Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan. 14 Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”

15 Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay. 16 Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.

Ang Piging para sa Hari at kay Haman[c]

Itinanong(D) ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sumagot si Ester, “Ang araw na ito ay natatanging araw para sa akin. Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo kayo ni Haman mamayang gabi sa piging na inihanda ko para sa inyo.”

Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa handaan ni Ester. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”

Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa handaan bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”

Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan

Masayang-masaya si Haman nang umalis siya sa palasyo. Subalit nang makita niya si Mordecai na noo'y nasa pasukan ng palasyo, sumiklab muli ang kanyang galit. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkakatalaga sa kanya bilang punong ministro. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng piging. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita ko ang Judiong si Mordecai na nasa pasukan ng palasyo.”

14 Sinabi sa kanya ng asawa niya't mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na pitumpu't limang talampakan ang taas sa may pintuan ng palasyo, at hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Bukas ay malaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa nga siya ng bitayan.

Mga Gawa 18:12-28

12 Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. 13 Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!”

14 Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. 15 Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

18 Pagkatapos(A) nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata.[a] Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. 19 Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. 20 Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. 21 Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko.

22 Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. 23 Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.

Si Apolos sa Efeso at sa Corinto

24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28 sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.

Lucas 3:15-22

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.”

18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. 19 Si(A) Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. 20 Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes.

Binautismuhan si Jesus(B)

21 Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit 22 at(C) bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”