Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2 Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3 Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4 Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5 Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6 Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7 Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8 Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9 Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10 Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Pagtitiwala kay Yahweh
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
2 sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
3 Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”
4 Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
5 Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
6 Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
7 Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.
Sinisi ni Job ang mga Kaibigan
6 Ang sagot ni Job:
2 “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
3 magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
4 Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
8 “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
9 Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.
14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
Nagpunta si Pedro sa Lida at sa Joppa
32 Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, 33 natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!”
At agad siyang tumayo. 35 Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon.
36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[a]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.
Mga Salita tungkol sa Buhay na Walang Hanggan
60 Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?”
61 Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? 62 Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? 63 Ang(A) Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. 64 Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.”
66 Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. 67 Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(B) si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.”
70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.