Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.
61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
dinggin mo ang aking dalangin.
2 Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
kapag nanlulupaypay ang aking puso.
Ihatid mo ako sa bato
na higit na mataas kaysa akin;
3 sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
isang matibay na muog laban sa kaaway.
4 Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
5 Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.
6 Pahabain mo ang buhay ng hari;
tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
7 Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!
8 Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.
62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
2 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.
3 Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
upang patayin siya, ninyong lahat,
gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
4 Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)
5 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
6 Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
ang aking muog, hindi ako mayayanig.
7 Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.
8 Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)
9 Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.
11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12 at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
“Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”
24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.
28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.
32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
ang Diyos ng Israel,
nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.
Purihin ang Diyos!
Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim
2 Umakyat ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, “Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, ‘Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo,
2 at(A) huwag kayong makikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo?
3 Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban[a] ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo.”
4 Nang sabihin ng anghel ng Panginoon ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.
5 At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa Panginoon.
Naglingkod kay Baal ang Bayan
11 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal.
12 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon.
13 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, at naglingkod sa mga Baal at Astarte.
14 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway.
15 Saan man sila humayo, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng Panginoon, sila'y nagipit na mabuti.
16 Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.
17 Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.
18 Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.
19 Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.
20 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.
21 Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;
22 upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”
23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.
18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[a] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.
19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.
20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.
21 Binabati(A) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak.
22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.
23 Binabati(B) kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto.
[24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.]
25 At ngayon, sa Diyos[b] na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon,[c]
26 subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan—
27 sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Ipinako si Jesus sa Krus(A)
32 Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.[a]
33 At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),
34 kanilang binigyan(B) siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
35 At(C) nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
36 Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
37 At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”
38 At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 Siya'y(D) inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
40 na(E) nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”
41 Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
42 “Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
43 Nagtiwala(F) siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”
44 Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001