Book of Common Prayer
Awit ni David.
101 Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan,
sa iyo, O Panginoon, aawit ako.
2 Aking susundin ang daang matuwid.
O kailan ka darating sa akin?
Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay
na may tapat na puso.
3 Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata
ang anumang hamak na bagay.
Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod;
hindi ito kakapit sa akin.
4 Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin,
hindi ako makakaalam ng masamang bagay.
5 Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa
ay aking pupuksain.
Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso
ay hindi ko titiisin.
6 Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain,
upang sila'y makatirang kasama ko.
Siya na lumalakad sa sakdal na daan
ay maglilingkod sa akin.
7 Walang taong gumagawa ng pandaraya
ang tatahan sa aking bahay;
walang taong nagsasalita ng kasinungalingan
ang mananatili sa aking harapan.
8 Tuwing umaga ay aking lilipulin
ang lahat ng masama sa lupain,
upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan
sa lunsod ng Panginoon.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
109 Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
2 Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
3 May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
4 Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
ngunit ako ay nasa panalangin.
5 Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
at pagkapoot sa pag-ibig ko.
6 “Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
7 Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
8 Maging(A) kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
9 Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
at mabalo ang kanyang asawa!
10 Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11 Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12 Wala nawang maging mabait sa kanya;
ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13 Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14 Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15 Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16 Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
at ang may bagbag na puso upang patayin.
17 Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18 Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19 Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”
20 Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21 Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22 Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23 Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24 Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25 Ako(B) nama'y naging hamak sa kanila,
kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.
26 O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27 Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28 Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29 Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30 Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
AIN.
121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.
PE.
129 Kahanga-hanga ang mga patotoo mo,
kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko.
130 Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan;
nagbibigay ng unawa sa walang karunungan.
131 Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako,
sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo.
132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin,
gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin.
133 Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako,
at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan.
134 Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao,
upang aking matupad ang mga tuntunin mo.
135 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo,
at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo.
136 Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko,
sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
TZADDI.
137 Matuwid ka, O Panginoon,
at matuwid ang iyong mga hatol.
138 Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran
at sa buong katapatan.
139 Tinunaw ako ng sigasig ko,
sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo.
140 Totoong dalisay ang salita mo,
kaya't iniibig ito ng lingkod mo.
141 Ako'y maliit at hinahamak,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas.
142 Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran,
at ang kautusan mo'y katotohanan.
143 Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan,
at ang mga utos mo'y aking kasiyahan.
144 Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman;
bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay.
Pinitpit ang mga Suuban ng mga Naghimagsik
36 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na kanyang kunin ang mga suuban mula sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagkat mga banal iyon;
38 pati ang mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo ang mga ito na mga pinitpit na pantakip sa dambana, sapagkat kanilang inihandog sa harap ng Panginoon, kaya't banal ang mga ito. Sa gayon, magiging isang tanda ito sa mga anak ni Israel.”
39 Kaya't kinuha ng paring si Eleazar ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinitpit bilang pantakip sa dambana,
40 upang maging alaala sa mga anak ni Israel, upang sinumang ibang tao na hindi pari, na hindi mga anak ni Aaron ay huwag lumapit upang magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at nang huwag maging tulad ni Kora at ng kanyang mga kasama; gaya ng sinabi ng Panginoon kay Eleazar sa pamamagitan ni Moises.
Nagreklamo ang Kapulungan kina Moises at Aaron
41 Subalit kinabukasan ay nagreklamo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel kina Moises at Aaron, na sinasabi, “Pinatay ninyo ang bayan ng Panginoon.”
42 At nang magtipon ang kapulungan laban kina Moises at Aaron, sila'y tumingin sa dako ng toldang tipanan; at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.
43 At sina Moises at Aaron ay pumunta sa harapan ng toldang tipanan.
44 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito, upang aking lipulin sila sa isang iglap.” At sila'y nagpatirapa.
46 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng insenso, at dalhin mo agad sa kapulungan, at tubusin mo sila sapagkat ang poot ay lumabas mula sa Panginoon, ang salot ay nagpapasimula na.
47 Kinuha iyon ni Aaron gaya ng sinabi ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan na doon ang salot ay nagpasimula na sa gitna ng bayan at siya'y naglagay ng insenso at itinubos para sa bayan.
48 Siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buháy at ang salot ay tumigil.
49 Ang namatay sa salot ay labing-apat na libo at pitong daan, bukod pa sa mga namatay dahil sa nangyari kay Kora.
50 Nang ang salot ay tumigil, si Aaron ay bumalik kay Moises sa pintuan ng toldang tipanan.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat(A) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
14 Sapagkat(B) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.
15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.
16 Dahil(C) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,
17 gaya(D) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.
18 Umaasa(E) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”
19 Hindi(F) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.
20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,
21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.
22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.
23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”
24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,
25 na(G) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan.
2 Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan.
3 At paglabas niya nang ikatlong oras,[a] nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa.
4 at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.’ At pumunta sila.
5 Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim[b] na oras at ikasiyam,[c] gayundin ang ginawa niya.
6 At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,[d] lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’
7 Sinabi nila sa kanya, ‘Sapagkat walang umuupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
8 Nang(A) magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’
9 Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras,[e] tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario.
11 At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan,
12 na nagsasabi, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.’
13 Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario?
14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo.
15 Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba[f] sapagkat ako'y mabuti?’
16 Kaya't(B) ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.”[g]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001