Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 95

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Mga Awit 22

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
    para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
    mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
    tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
    at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
    Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
    at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
    sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
    O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
    Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
    bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
    hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
    sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
    sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
    ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
    mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
    lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
    naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
    yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
    ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
    “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

Mga Awit 141

Panalangin sa Gabi

Awit ni David.

141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
    sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
Ang(A) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
    itong pagtaas ng mga kamay ko.

O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
    ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
Huwag mong babayaang ako ay matukso,
    sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
    sa handaan nila'y nang di makasalo.

Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
    ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
    pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
    maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
    sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.

Di ako hihinto sa aking pananalig,
    ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
    huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
Sa mga patibong ng masamang tao,
    ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
    samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.

Mga Awit 143

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Awit ni David.

143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
    batid mo nang lahat, kami ay salarin.

Ako ay tinugis ng aking kaaway,
    lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
    tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
    sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.

Araw na lumipas, aking nagunita,
    at naalala ang iyong ginawa,
    sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
    parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]

Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
    kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
    ako ay ituring na malamig na bangkay,
    at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
    yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
    patnubayan ako sa daang matuwid.

Iligtas mo ako sa mga kalaban,
    ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
    na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
    iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
    ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
    yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.

Exodo 9:13-35

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(A) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(B) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

2 Corinto 4:1-12

Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik

Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.

Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. Sapagkat(A) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.

Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.

Marcos 10:32-45

Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Pagiging Dakila(B)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(C) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(D) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(E) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.