Book of Common Prayer
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. 8 Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (A) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.
30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”
Binuhay ni Jesus si Lazaro
38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.