Book of Common Prayer
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
16 “Nalalaman ninyo kung paano tayo nanirahan sa Egipto noon at kung paano tayo naglakbay sa lupain ng iba pang mga bansa papunta sa lugar na ito. 17 Nakita ninyo ang kanilang kasuklam-suklam na mga dios-diosan na ginawa mula sa kahoy, bato, pilak at ginto. 18 Siguraduhin ninyong wala ni isa sa inyo, babae o lalaki, sambahayan o angkan, na tatalikod sa Panginoon na ating Dios at sasamba sa mga dios ng mga bansang iyon para wala ni isa sa inyo ang maging katulad ng ugat na tumutubong mapait at nakakalason. 19 Ang sinumang nakarinig ng mga babala ng sumpang ito ay huwag mag-iisip na hindi siya masasaktan kahit na magpatuloy siya sa kanyang gusto. Pagbagsak ang idudulot nito sa inyong lahat. 20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon. Maglalagablab ang galit ng Panginoon sa kanya tulad ng apoy, at mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito, at buburahin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa mundo. 21 Ibubukod siya ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, at pahihirapan siya ayon sa mga sumpa ng kasunduan na nakasulat dito sa Aklat ng Kautusan.
22 “Sa mga susunod na henerasyon, ang inyong mga lahi at ang mga dayuhang galing sa malayong lugar ay makakakita ng mga kalamidad at mga karamdamang ipapadala ng Panginoon sa inyo. 23 Ang buong lupain ninyo ay magiging katulad ng disyerto na natabunan ng asupre at asin. Walang magtatanim sa lupaing ito dahil hindi tutubo ang mga pananim. Magiging katulad ito ng pagkawasak ng Sodom at Gomora, Adma at Zeboyim na ibinagsak ng Panginoon dahil sa matindi niyang galit. 24 Pagkatapos, magtatanong ang mga bansa, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa kanyang bansa? Bakit napakatindi ng kanyang galit?’
25 “At sasagutin sila nang ganito, ‘Dahil sinuway ng mga taong ito ang kasunduang ginawa sa kanila ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang inilabas niya sila sa Egipto. 26 Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga dios na hindi nila nakikilala, na ipinagbawal ng Panginoon na sambahin nila. 27 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanilang bansa at ipinalasap niya sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na ito. 28 Sa matinding galit ng Panginoon, pinalayas niya sila sa kanilang bansa at ipinabihag sa ibang mga bansa kung saan sila naninirahan ngayon.’ 29 May mga lihim na bagay na ang Panginoon lang ang nakakaalam, pero ipinahayag niya sa atin ang kanyang kasunduan, at dapat natin itong sundin maging ng ating lahi magpakailanman.
Ang Babae at ang Dragon
12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. 2 Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.
3 May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. 4 Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. 5 At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. 6 Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.
7 Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. 8 Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. 9 Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.
10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.
39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®