Book of Common Prayer
13 Ngunit dahil (A) taglay namin ang gayunding espiritu ng pananampalataya, ayon sa nasusulat, “Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita,” sumasampalataya rin kami, kaya't kami ay nagsasalita. 14 Sapagkat alam namin na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. 15 Ang lahat ng mga ito ay para sa inyo, upang ang biyayang nakararating sa mas marami pang mga tao ay lalong magparami ng pagpapasalamat tungo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Mamuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami pinanghihinaan ng loob; bagaman ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, binibigyan naman ng panibagong lakas sa araw-araw ang aming panloob na pagkatao. 17 Sapagkat itong magaan at pansamantalang paghihirap ang naghahanda sa atin para sa walang hanggang kaluwalhatian na hindi maihahambing sa anuman. 18 Sapagkat hindi namin pinagmamasdan ang mga bagay na nakikita, kundi ang mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala lamang, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
5 Sapagkat alam namin na kung mawasak ang ating tirahang tolda sa lupa, mayroon tayong gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi gawa ng kamay ng tao, walang hanggan sa sangkalangitan. 2 Sa ngayon tayo ay dumaraing, nasasabik na mabihisan ng ating panlangit na tahanan, 3 sapagkat kapag tayo ay nabihisan na,[a] hindi tayo madadatnang hubad. 4 Sapagkat habang tayo ay nasa toldang ito, tayo ay dumaraing dahil sa pasanin, hindi sa nais naming matagpuang hubad, kundi ang mabihisan, upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. 5 Ang naghanda sa atin para sa layuning ito ay Diyos, na nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katibayan.
6 Kaya't kami'y laging may lakas ng loob, kahit nalalaman namin na habang kami ay naninirahan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. 7 Sapagkat lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng aming nakikita. 8 Kaya't malakas ang aming loob, at mas nanaisin pa naming mapalayo sa katawan at mapunta sa tahanan sa piling ng Panginoon. 9 Kaya't pinakamimithi namin na bigyan siya ng kasiyahan, kami man ay nasa tahanan o malayo sa tahanan. 10 Sapagkat (B) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo, upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya habang nasa katawan, mabuti man o masama.
Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro
19 “May mayamang tao na nagsusuot ng mamahaling damit at kumakain nang sagana araw-araw. 20 Isang pulubi namang nagngangalang Lazaro ang nakalupasay sa may pintuan ng mayaman. Marami siyang sugat sa katawan. 21 Masaya na siyang makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Kahit ang mga aso ay lumalapit at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng pagdurusa niya sa Hades, tumingala siya at nakita niya sa kalayuan si Abraham at si Lazaro sa kandungan nito. 24 Kaya't pasigaw niyang sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin! Isugo mo si Lazaro upang isawsaw ang kanyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong sa iyong buhay ay nagtamasa ka ng mabubuting bagay, samantalang si Lazaro naman ay dumanas ng hirap. Ngayon siya ay inaaliw dito at ikaw naman ay nagdurusa. 26 Bukod dito, may inilagay na malawak na bangin sa pagitan natin upang ang gustong makatawid mula rito patungo sa inyo ay hindi makatatawid o makatawid mula riyan patungo rito.’ 27 Sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon, ipinakikiusap ko sa iyo Ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28 sapagkat mayroon akong limang kapatid na lalaki, upang si Lazaro'y magpatotoo sa kanila at nang hindi sila humantong sa lugar ng kaparusahang ito.’ 29 Ngunit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta. Hayaan mong ang mga kapatid mo'y makinig sa kanila.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi sapat ang mga iyon, Amang Abraham. Ngunit kung isa mula sa mga patay ang magpupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31 Sinabi naman ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila makikinig kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.