Book of Common Prayer
17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (A) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (B)
20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.
22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.
23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.
24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag. 25 Ganoon din sa mabuting gawain. May mabubuting gawa na madaling mapansin, ngunit kung di man madaling mapansin, ang mga ito nama'y hindi mananatiling lihim.
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit
14 Isang araw ng Sabbath, pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain. Minamatyagan siyang mabuti ng mga Fariseo. 2 Bigla na lamang pumunta sa kanyang harapan ang isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa Kautusan at ang mga Fariseo, “Ipinahihintulot ba na magpagaling kung araw ng Sabbath o hindi?” 4 Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan niya ang maysakit at ito'y pinagaling at pinauwi. 5 At sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman sa inyo ang may anak o toro na mahulog sa balon, hindi ba agad ninyo itong iaahon kahit na araw ng Sabbath?” 6 Hindi nila masagot ang mga ito.
Mabuting Pakikitungo at Pagpapakababa
7 Nang mapansin niyang pinipili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga: 8 “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang maupo sa upuang pandangal. Baka mayroon siyang inanyayahang mas kilala kaysa iyo. 9 At sa paglapit ng nag-anyaya sa inyong dalawa ay sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan.’ Mapapahiya ka lamang at uupo sa pinakaabang upuan. 10 Sa halip, kung naanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakaabang upuan. Pagdating ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, lumipat ka sa mas marangal na upuan.’ Sa gayon ay mabibigyan ka ng dangal sa harap ng mga kasalo mo. 11 Sapagkat ibababa ang sinumang nagtataas ng sarili ngunit ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.