Book of Common Prayer
Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapangasiwa ng Iglesya
3 Mapagkakatiwalaan ang salitang ito: “Ang nagnanais maging tagapangasiwa[a] ay naghahangad ng marangal na gawain.” 2 Kaya nga, dapat walang maipipintas sa isang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, may magandang loob sa panauhin, at may kakayahang magturo. 3 Hindi siya dapat naglalasing, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. 4 Dapat ay mahusay siyang mamahala sa kanyang sariling sambahayan, tinitiyak niyang sinusunod at iginagalang siya ng kanyang mga anak. 5 Kung hindi siya marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan, paano niya mapapangasiwaan nang maayos ang iglesya ng Diyos? 6 Dapat ay hindi siya baguhang mananampalataya; sapagkat baka siya'y yumabang at mapahamak gaya ng sinapit ng diyablo. 7 Kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi mananampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.
Mga Dapat na Katangian ng mga Tagapaglingkod ng Iglesya
8 Ang mga tagapaglingkod[b] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat sa kanyang salita, hindi naglalasing at hindi sakim sa salapi. 9 Kailangang matibay ang kanilang paninindigan sa pananampalataya nang may malinis na budhi. 10 Kailangang patunayan muna nila ang kanilang sarili, at saka hahayaang maging tagapaglingkod kung mapatunayang karapat-dapat. 11 Ang mga kababaihan nama'y dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, kundi mapagtimpi at mapagkakatiwalaan sa lahat ng mga bagay. 12 Ang tagapaglingkod ay asawa ng iisang babae, at maayos na mamahala ng kanyang mga anak at sariling sambahayan. 13 Igagalang ng mga tao ang mga tagapaglingkod na tapat sa kanilang tungkulin, kasama na ang kanilang pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng ating Pananampalataya
14 Umaasa akong makapupunta ako sa iyo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko sa iyo ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung paano ang dapat maging ugali ng bawat kaanib sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesya ng buháy na Diyos, haligi at sandigan ng katotohanan. 16 Sadyang dakila ang hiwaga ng ating sinasampalatayanan:
Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Pampaalsa(A)
18 Sinabi niya, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos at sa ano ko ito maihahambing? 19 Tulad ito ng isang butil ng mustasa na pagkakuha ng isang tao ay inihasik sa kanyang halamanan. Tumubo ito at naging puno at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 At muli ay sinabi niya, “Sa ano ko maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? 21 Tulad ito ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(B)
22 Nagturo si Jesus sa mga bayan at nayon habang naglalakbay patungong Jerusalem. 23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.