Book of Common Prayer
18 Timoteo, anak ko, itinatagubilin ko sa iyo ang mga bagay na ito ayon sa mga propesiya noon ukol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay masigla kang makipaglaban gaya ng mabuting kawal, 19 tumitibay sa pananampalataya at nagtataglay ng malinis na budhi. Tinalikuran ito ng iba, kaya naman natulad sa isang barkong nawasak ang kanilang pananampalataya. 20 Kasama sa mga ito ay sina Himeneo at Alejandro na mga ipinaubaya ko na kay Satanas upang sila ay maturuang huwag nang lumapastangan.
Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin
2 Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. 2 Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. 3 Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. 5 Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. 7 Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[a] walang sama ng loob at galit sa kapwa.
Ang Pagpapagaling sa Babaing Kuba
10 Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga. 11 Naroon ang isang babaing labingwalong taon nang may espiritu ng kapansanan. Hukot ang kanyang katawan at hindi na niya makayang makaunat. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi sa kanya, “Babae, kinalagan ka na sa iyong kapansanan.” 13 At ipinatong niya ang kanyang kamay sa babae at nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. 14 Ngunit ikinagalit ng pinuno ng sinagoga ang pagpapagaling ni Jesus nang Sabbath kaya't sinabi niyon sa mga tao, “May anim na araw na dapat magtrabaho, kaya nga sa mga araw na iyon kayo magpunta upang magpagaling at hindi sa araw ng Sabbath.” 15 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kung Sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong baka o asno mula sa sabsaban at inilalabas ito upang painumin? 16 Iginapos ni Satanas nang labingwalong taon ang babaing ito na anak ni Abraham. Hindi ba dapat lang na makalagan siya sa pagkakagapos na iyon sa araw ng Sabbath?” 17 Pagkasabi niya noon, napahiya ang lahat ng kumakalaban sa kanya. Nagalak ang buong madla sa lahat ng kahanga-hangang ginawa niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.