Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 89

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
    saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
    ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
    at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
    ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
    dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
    ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
    sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
    “Aking pinutungan ang isang dakila,
    na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
    pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
    at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
    sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
    at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
    at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
    sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
    ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
    ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
    kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
    hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
    matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[c]

Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari

38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
    ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
    ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
    mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
    ang ari-arian niya'y kinukuha;
    bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
    tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
    binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
    inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
    sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[d]

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
    Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
    papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
    Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[e]

49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
    Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
    ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
    ang piniling haring saan ma'y inuyam.

52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!

    Amen! Amen!

Jeremias 16:10-21

10 “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. 11 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. 12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. 13 Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’”

Ang Pagbabalik mula sa Pagkatapon

14 “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’ 15 Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.”

Ang Darating na Kaparusahan

16 “Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang ng mga bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 17 Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang maitatago sa akin; hindi mawawala sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan. 18 Magbabayad sila nang makalawang beses sa kanilang mga kasalanan at kasamaan sapagkat nilapastangan nila ang aking lupain sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosang walang buhay at kasuklam-suklam na gawain.”

Ang Panalangin ng Pagtitiwala ni Jeremias kay Yahweh

19 O Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; ang aking takbuhan sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, “Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang bulaan at walang kabuluhan. 20 Maaari bang gumawa ng sarili nilang diyos ang mga tao? Hindi! Kung gagawa sila, hindi ito maaaring maging tunay na diyos.”

21 “Kaya nga magmula ngayon,” sabi ni Yahweh, “ipapaalam ko sa lahat ng bansa ang aking kapangyarihan at lakas, at makikilala nilang ako nga si Yahweh.”

Roma 7:1-12

Wala na sa Ilalim ng Kautusan

Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu.

Ang Kautusan at ang Kasalanan

Ang(A) ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.” Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan. Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan 10 at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat(B) kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan.

12 Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti.

Juan 6:1-15

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(A)

Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin.

Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak[a] ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.”

Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” 10 “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. 12 Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” 13 Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada.

14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!” 15 Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.