Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 40

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)

12 Kay rami na nitong mga suliranin,
    na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
    na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
    kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
    bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
    hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
    manlumo nang labis, nang di magtagumpay!

16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
    ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
    ng nangaghahangad maligtas na kusa.

17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
    subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
    Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!

Mga Awit 54

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Mga Awit 51

Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran

Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.

51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
    sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
    ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan,
    at patawarin mo'ng aking kasalanan!

Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
    di ko malilimutan, laging alaala.
Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
    at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
    marapat na ako'y iyong parusahan.
Ako'y masama na buhat nang isilang,
    makasalanan na nang ako'y iluwal.

Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
    puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
    at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
    butong nanghihina'y muling palakasin.
Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
    lahat kong nagawang masama'y pawiin.

10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
    bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
    iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
    ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
    sa iyo lumapit ang makasalanan.

14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
    at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
    at pupurihin ka sa gitna ng madla.

16 Hindi mo na nais ang mga handog;
    di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
    ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.

18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
    at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
    dala sa dambana, torong susunugin,
    malugod na ito'y iyong tatanggapin.

Error: 'Ecclesiastico 34:1-8' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Error: 'Ecclesiastico 34:18-22' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Pahayag 13:1-10

Ang Unang Halimaw

13 Pagkatapos(A) ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang[a] lumalapastangan sa Diyos. Ang(B) halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?”

Pinahintulutang(C) magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan(D) din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba(E) sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay.

“Ang lahat ng may pandinig ay makinig! 10 Ang(F) sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.”

Lucas 12:13-31

Maling Pag-iipon ng Kayamanan

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”

14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”

16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(A) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’

20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Pananalig sa Diyos(B)

22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(C) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.