Book of Common Prayer
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Paanyaya para Purihin ang Dios
134 Purihin ang Panginoon,
lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
at purihin ninyo ang Panginoon.
3 Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.
Awit ng Papuri
135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2 na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
4 Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.
5 Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
6 Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
8 Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
9 Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.
13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!
21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Matuwid na Pamumuhay ni Job
1 May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan. 2 Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. 3 Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.
4 Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae. 5 Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog[a] para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.
Ang Unang Pagsubok kay Job
6 Isang araw, nagtipon ang mga anghel[b] sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas. 7 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.” 8 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.” 9 Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya. 10 Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain. 11 Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.” 12 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.
13 Isang araw, habang nagkakasayahan sa handaan ang mga anak ni Job sa bahay ng panganay, 14 dumating sa bahay ni Job ang isa niyang tauhan at ibinalita ang ganito, “Habang nag-aararo po kami gamit ang inyong mga baka, at pinapastol ang inyong mga asno sa di-kalayuan, 15 bigla kaming sinalakay ng mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga hayop at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”
16 Habang nagsasalita pa ang tauhan, dumating din ang isa pang tauhan ni Job at sinabi, “Tinamaan po ng apoy ng Dios ang inyong mga tupa at ang mga pastol nito, at nasunog. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”
17 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha po nila ang mga kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas para magbalita sa inyo!”
18 Habang nagsasalita pa siya, may isa pang dumating at nagbalita, “Habang nagkakasayahan po ang inyong mga anak sa bahay ng kanilang nakatatandang kapatid, 19 bigla pong dumating ang malakas na hangin mula sa ilang at nawasak po ang bahay. Nabagsakan po ang inyong mga anak at namatay. Ako lang po ang nakaligtas para magbalita sa inyo!”
20 Nang marinig iyon ni Job, tumayo siya at pinunit ang kanyang damit dahil sa pagdadalamhati. Pagkatapos, inahitan niya ang kanyang buhok sa ulo at nagpatirapa sa lupa para sumamba sa Panginoon. 21 Sinabi niya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon!” 22 Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios.
Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia
26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[a] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:
“Hindi siya nagreklamo.
Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”
34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[b] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
16 Nang gumagabi na, nagpunta ang mga tagasunod ni Jesus sa tabi ng lawa. 17 Madilim na at wala pa rin si Jesus, kaya sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. 18 At habang tumatawid sila, nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. 19 Nang nakasagwan na sila ng mga anim o limang kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka. At natakot sila. 20 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22-23 Kinabukasan, naroon pa ang mga tao sa kabila ng lawa, kung saan sila kumain ng tinapay matapos magpasalamat ng Panginoon. Alam nilang iisa lang ang bangka roon nang gabing iyon, at iyon ang sinakyan ng mga tagasunod ni Jesus. Alam din nilang hindi kasamang umalis si Jesus ng mga tagasunod niya. Samantala, may dumating na mga bangka galing sa Tiberias at dumaong malapit sa kinaroroonan ng mga tao. 24 Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Jesus at ang mga tagasunod niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay
25 Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®