Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Mabuting Tao
Katha ni David.
26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
2 Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
3 Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
4 Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
5 Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.
6 Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
7 Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.
8 Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
9 Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10 mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
at palaging naghihintay na sila ay suhulan.
11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
Ang Kasamaan ng Tao
Katha ni David, na lingkod ni Yahweh, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
36 Kasalana'y(A) nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika;
tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala.
2 Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;
ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa.
3 Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;
dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
4 Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,
masama rin ang ugali,
at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay.
Ang Kabutihan ng Diyos
5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,
at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan.
6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan;
ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;
ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
7 O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag,
ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;
doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
9 Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay,
ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay.
10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,
patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
11 Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin,
o ang mga masasamang gusto akong palayasin.
12 Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo!
Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.
Pagtatapat ng Taong Nahihirapan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.
39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
habang nakapalibot, silang mga masasama.
2 Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
3 Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
4 “Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”
5 Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
6 Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
7 Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
8 Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
9 Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]
12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.
Si Amos at si Amazias
10 Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya'y nagugulo ang bayan. 11 Sinasabi niyang,
‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan,
at ang Israel ay dadalhing-bihag
sa isang malayong lupain.’”
12 Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. 13 Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”
14 Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako'y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. 15 Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh. 16 Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo,
‘Huwag kang mangaral laban sa Israel,
at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’
17 Sinasabi ni Yahweh,
‘Ang asawa mo'y magiging babaing bayaran,
at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak.
Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay.
Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh,
ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”
Isang Pangitain tungkol kay Cristo
9 Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Noon ako'y nasa isla ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at nagpatotoo ako para kay Jesus. 10 Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. 11 Sabi niya, “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita, at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.”
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo(A) sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang(B)(C) kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang(D) ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat.
Ang Pinakamahalagang Utos(A)
34 Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35 Isa(B) sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36 “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.
37 Sumagot(C) si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito(D) naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Ang Tanong tungkol sa Anak ni David(E)
41 Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. 42 “Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”
“Kay David po,” sagot nila.
43 Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi,
44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon:
Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’
45 Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” 46 Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.