Book of Common Prayer
Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Naging hangal ako! Ngunit itinulak ninyo ako na magkagayon. Dapat sana'y pinuri ninyo ako, sapagkat hindi naman ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan. 12 Ang mga pagkakakilanlan ng isang tunay na apostol ay buong sikap kong ipinakita sa inyo sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. 13 Paano nga kayo nalamangan ng ibang iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pabigat sa inyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito! 14 Ngayon, sa ikatlong pagkakataon ay handa akong pumunta sa inyo. At hindi ako magiging pabigat sa inyo, sapagkat hindi ko hinahangad ang anumang mayroon kayo, kundi kayo mismo. Sapagkat hindi ang mga anak ang may tungkuling mag-impok para sa mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. 15 Malaking kasiyahan sa akin ang gumastos at gastusin para sa inyo. Mababawasan ba ang pagmamahal ninyo sa akin habang lalo ko kayong minamahal? 16 Hindi ako naging pasanin sa inyo. Ngunit ako raw ay tuso at nabitag ko kayo sa daya. 17 Nilinlang ko ba kayo sa pamamagitan ng mga taong sinugo ko sa inyo? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at sinugo ko siyang kasama ng isang kapatid. Pinagsamantalahan ba kayo ni Tito? Hindi ba't pareho lamang ang aming pag-iisip? Hindi ba't pareho lamang ang aming mga hakbang?
19 Marahil, matagal na ninyong iniisip na ipinagtatanggol lang namin sa inyo ang aming mga sarili. At bilang mga na kay Cristo, nagsasalita kami sa harapan ng Diyos. Mga minamahal, ginagawa namin ang lahat ng mga ito upang kayo'y maging matatag. 20 Natatakot ako na baka madatnan ko kayo sa kalagayang hindi ko maiibigan, at ako naman ay nasa kalagayang hindi rin ninyo maiibigan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway, nagseselosan, magkakagalit, nagkakanya-kanya, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21 Natatakot ako na sa muli kong pagdating ay ipahiya ako ng Diyos sa harapan ninyo, at kailangan kong magdalamhati dahil sa maraming dati nang nagkasala at hindi pa nagsisisi sa nagawa nilang karumihan, pakikiapid, at kahalayan.
Ang Makipot na Pintuan(A)
13 “Pumasok kayo sa makitid na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at madali ang daan patungo sa pagkawasak, at maraming dumaraan doon. 14 Sapagkat makitid ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay, at iilan lamang ang nakatatagpo niyon.
Sa Bunga Makikilala(B)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta! Lumalapit sila sa inyo nang nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga mababangis na asong-gubat. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, sila'y inyong makikilala. Nakapag-aani ba ng ubas sa halamang tinikan o nakakukuha ba ng igos sa mga dawagan? 17 Kaya't mabuti ang bunga ng bawat mabuting puno, subalit masama ang ibinubunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring magkaroon ng masamang bunga ang mabuting puno, at magkaroon ng mabuting bunga ang masamang puno. 19 Bawat punong masama ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya't sa pamamagitan ng kanilang bunga ay makikilala ninyo sila.
Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(C)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.