Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.
5 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
2 Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
3 Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.
4 Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
mga maling gawain, di mo pinapayagan.
5 Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
6 Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.
7 Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
luluhod ako tanda ng aking paggalang.
8 Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.
9 Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2 Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3 Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4 Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5 Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6 Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7 Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8 Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9 Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10 Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Pagtitiwala kay Yahweh
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
2 sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
3 Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”
4 Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
5 Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
6 Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
7 Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.
Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
15 “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai,[a] wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. 16 Huwag(A) kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, 17 hayop(B) sa ibabaw ng lupa, ibon, 18 ng anumang gumagapang o ng anumang isda. 19 Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. 20 Iniligtas(C) kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. 21 Nagalit(D) sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. 22 Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. 23 Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. 24 Sapagkat(E) si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos.
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. 2 Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3 Ngunit(A) nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay][a] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo.
5 Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon.
7 Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? 8 Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. 9 At(B) nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. 10 Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. 11 Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal!
12 At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13 Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. 15 Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.
Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!
Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal.
Katuruan tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa(A) halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Ang Kayamanan sa Langit(B)
19 “Huwag(C) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(D) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(E)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
by