Book of Common Prayer
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
11 Pagtiisan muna sana ninyo itong aking kaunting kahangalan. At pinagtitiisan nga naman ninyo ako! 2 Nakadarama ako para sa inyo ng isang maka-Diyos na pagseselos, sapagkat kayo'y itinakda kong maging asawa ng isang lalaki, si Cristo, at maiharap ko kayo sa kanya bilang isang malinis na birhen. 3 Ngunit (A) natatakot ako na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip din ay mailigaw mula sa tapat at malinis na pakikitungo kay Cristo. 4 Sapagkat kung may dumating at nangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, pinagtitiisan ninyo itong mabuti. 5 Masasabi kong hindi ako páhuhulí sa magagaling na mga apostol na ito. 6 Hindi man ako mahusay sa pananalita, mayroon din naman akong nalalaman. Nilinaw naming mabuti sa inyo ang bagay na ito.
7 Kasalanan ko ba kung ibinaba ko ang aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? 8 Ninakawan ko ang ibang mga iglesya, sa pagtanggap ko ng tustos mula sa kanila upang maglingkod sa inyo. 9 Nang (B) kasama pa ninyo ako at ako'y may pangangailangan, hindi ako naging pabigat sa kaninuman, sapagkat ang mga pangangailangan ko ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Iniwasan ko nga na maging pabigat sa inyo sa lahat ng bagay, at patuloy ko itong gagawin. 10 Habang nananatili sa akin ang katotohanan ni Cristo, walang sinuman sa mga nasasakupan ng Acaia na makapipigil sa akin sa pagmamalaking ito. 11 At bakit? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo!
12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisan ng pagkakataon ang mga naghahangad ng pagkakataong kilalanin bilang kapantay namin tungkol sa mga bagay na ipinagmamalaki nila. 13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. 14 At hindi kataka-taka! Sapagkat si Satanas man ay nagpapanggap na isang anghel ng liwanag. 15 Kaya't hindi malayong mangyari na ang kanyang mga lingkod ay magpanggap na mga lingkod ng katwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.
Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol
16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang iniisip ninyo, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang makapagmalaki naman ako nang kaunti. 17 Ang pagsasalita ko ngayon sa ganitong pagmamalaking may kapalaluan ay hindi mula sa Panginoon, kundi tulad sa isang hangal. 18 Yamang marami ang nagmamalaki sa mga bagay na ipinagmamalaki ng tao, ako man ay magmamalaki. 19 At tuwang-tuwa pa kayo na nagtitiis sa mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! 20 Sa katunayan, natitiis ninyo kapag inaalipin kayo ng sinuman, o kahit kinakatay na kayo, o pinagsasamantalahan, o pinagyayabangan, o kaya'y sinasampal. 21 Kahiya-hiya, ngunit inaamin kong napakahina namin sa ganito! Ngunit anumang buong tapang na maaaring ipagmalaki ng iba—nagsasalita akong tulad ng hangal—may tapang din akong maipagmamalaki iyon.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot gaya ng mga mapagkunwari, sapagkat pinalulungkot nila ang kanilang mga hitsura upang mahalata ng iba na sila ay nag-aayuno. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos ka, 18 upang ang pag-aayuno mo ay hindi makita ng iba maliban ng iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim.
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag kayong mag-impok para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan dito sa lupa, kung saan ang bukbok at kalawang ay sumisira at kung saan ang mga magnanakaw ay nakapanloloob at nakapagnanakaw. 20 Sa halip ay mag-impok kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok at ang kalawang ay hindi makakapanira at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nakapanloloob at nakapagnanakaw. 21 Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(B)
22 “Ang mata ang pinakatanglaw ng katawan. Kaya't kung malusog ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Subalit kung masama ang iyong mata, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, napakalaking kadiliman iyan!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.