Book of Common Prayer
12 Kaya't bilang (A) mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo sa inyong pagkatao ang pagkamahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at tiyaga. 13 Magparaya kayo (B) sa isa't isa, at kung ang sinuman ay may sama ng loob sa kanino man, magpatawad kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa lahat sa lubos na pagkakaisa. 15 At hayaan ninyong maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na siyang dahilan kaya't tinawag kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manirahan (C) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo. Kalakip ang buong karunungan ay turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal, habang umaawit kayo na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. 17 At anuman ang inyong gagawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, kalakip ang pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (A)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.