Book of Common Prayer
14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”
25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[b] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.
Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano
25 May isang dalubhasa sa Kautusan na tumayo at nagsabi nang ganito upang subukin si Jesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 26 “Ano ba ang nasusulat sa Kautusan?” sagot ni Jesus. “Ano ang pagkaunawa mo?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at nang buong pag-iisip mo; at mahalin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” 28 At sinabi niya sa kanya, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyon at mabubuhay ka.”
Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria
38 Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon. Isang babae roon, na ang pangala'y Marta, ang malugod na tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay. 39 Mayroon siyang kapatid na babae na ang pangalan ay Maria, na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa mga sinasabi ni Jesus. 40 Ngunit nag-aalala si Marta sa dami ng gawain kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, wala bang anuman sa inyo na pinababayaan ako ng aking kapatid na maglingkod mag-isa? Sabihin ninyo sa kanya na tumulong sa akin.” 41 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay. 42 ngunit isang bagay lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi at ito'y hindi kukunin sa kanya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.