Book of Common Prayer
3 Masdan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig na ibinigay sa atin ng Ama, upang tayo'y tawaging mga anak ng Diyos; at tayo nga'y kanyang mga anak. Dahil dito, hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat hindi nito kinikilala ang Diyos. 2 Mga minamahal, tayo'y mga anak na ng Diyos ngayon. Hindi pa nahahayag kung ano ang magiging katulad natin sa panahong darating. Ito ang alam natin: kapag nahayag na ang Anak, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang tunay na kalikasan. 3 Ang sinumang mayroong ganitong pag-asa sa Anak ay naglilinis ng kanyang sarili, katulad niya na malinis.
4 Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumusuway din sa Kautusan. Sa katunayan, ang pagsuway sa kautusan ay kasalanan. 5 Nalalaman ninyo na nahayag ang Anak upang alisin ang mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanang matatagpuan. 6 Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi patuloy na nagkakasala; ang sinumang patuloy na nagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya. 7 Mga anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, katulad ni Cristo na matuwid. 8 Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay kakampi ng diyablo, sapagkat sa simula pa ay nagkakasala na ang diyablo. Ito ang dahilan na nahayag ang Anak ng Diyos: upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang bawat taong anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nananatili sa kanya ang binhi ng Diyos. Hindi niya kayang magpatuloy sa pagkakasala sapagkat anak siya ng Diyos. 10 Sa ganitong paraan mahahayag ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng diyablo: ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, gayundin ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.
24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!
Ang Dapat Katakutan(A)
26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(B)
32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.