Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 131-135

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

Awit ng Parangal para sa Templo

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
    huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
    O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
    hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
    isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
    sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
    sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
    ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!

10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
    ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
    huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
    “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
    matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
    at ang mga utos ko ay igagalang,
    ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”

13 Pinili ni Yahweh,
    na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
    ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
    hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
    upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
    ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

Paanyaya Upang Purihin ang Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
    mga naglilingkod sa templo kung gabi.
Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
    taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
    magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(D) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

Ezekiel 37:21-28

21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(A) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(B) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”

1 Juan 2:18-29

Ang Kaaway ni Cristo

18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.

20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon. 29 Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos.

Mateo 10:16-23

Mga Pag-uusig na Darating(A)

16 “Tingnan(B) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(C) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 “Ipagkakanulo(D) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(E) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.