Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 131-135

Ang Mapagpakumbabang Dalangin

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
    tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
    iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
    tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
    si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!

Awit ng Parangal para sa Templo

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
    huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
    O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
    hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
    isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”

Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
    sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
    sa harap ng trono siya ay sambahin!”

Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
    ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!

10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
    ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
    huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
    “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
    matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
    at ang mga utos ko ay igagalang,
    ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”

13 Pinili ni Yahweh,
    na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
    ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
    hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
    upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
    ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

Paanyaya Upang Purihin ang Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
    mga naglilingkod sa templo kung gabi.
Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
    taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
    magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(D) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

Zefanias 3:1-13

Ang Kapahamakan at Katubusan ng Israel

Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem,
    punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api.
Hindi ito sumusunod kay Yahweh
    at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid.
Wala itong tiwala sa kanya,
    at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong.

Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal;
ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi,
    na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto.
Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib;
ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado;
    at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan.
Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh;
    doo'y pawang tama ang kanyang ginawa
at kailanma'y hindi siya nagkakamali.
    Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita
ang kanyang katarungan sa kanyang bayan,
    ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan.

“Nilipol ko na ang mga bansa;
    winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta.
Sinira ko na ang kanilang mga lansangan,
    kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan.
Giba na ang mga lunsod nila,
    wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh.
Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin,
    tatanggap na siya ng aking pagtutuwid.
Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko.
Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.”

“Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh,
    “hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig.
Sapagkat ipinasya kong tipunin,
    ang mga bansa at ang mga kaharian,
upang idarang sila sa init ng aking galit,
    sa tindi ng aking poot;
at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot.

“Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao,
    at bibigyan ko sila ng dilang malinis,
upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba
    at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya.
10 Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia,[a]
    ang aking nangalat na bayan,
    ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog.

11 “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya
    sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin,
sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas,
    at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok.
12 Iiwan ko roon
    ang mga taong mapagpakumbaba;
lalapit sila sa akin upang magpatulong.
13 Hindi(A) na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel;
    hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man.
Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag;
    wala na silang katatakutan.”

1 Pedro 2:11-25

Maging mga Alipin ng Diyos

11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.

13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador.

Tularan ang Pagtitiis ni Cristo

18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. 22 Hindi(A) siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang(B) siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa(C) kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Mateo 20:1-16

Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[a] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’

“Nang(A) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”

16 At(B) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.