Book of Common Prayer
4 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay sa kanyang pagdating bilang hari, itinatagubilin ko ito sa iyo: 2 ipangaral mo ang salita; pagsikapan mo iyan umaayon man ang panahon o hindi. Ituwid mo ang mga tao, sawayin sila, palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagtuturo. 3 Sapagkat darating ang panahon na hindi makikinig ang mga tao sa wastong aral. Sa halip, upang masunod ang kanilang kagustuhan, maghahanap sila ng mga gurong magtuturo sa kanila ng mga gusto nilang marinig. 4 Tatalikod sila sa pakikinig sa katotohanan at babaling sa pakikinig ng mga alamat. 5 Kaya magpakahinahon ka, tiisin mo ang mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.
6 Dumating na ang panahon ng aking pagpanaw. Ibinuhos na ang aking buhay tulad ng isang inuming-handog. 7 Nakipaglaban ako nang mabuti, natapos ko na ang aking takbuhin, nanatili ako sa pananampalataya. 8 Ngayon ay nakalaan na sa akin ang koronang inilaan sa mga matuwid, na sa araw na iyon ay igagawad sa akin ng Panginoon, ang makatarungang hukom. Ngunit ito'y hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang muling pagdating.
Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(A)
21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.