Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 119:1-24

Ang Kautusan ni Yahweh

(Alef)

119 [a] Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
    kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
    buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
    sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
    upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
    susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
    kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
    buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
    huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.

Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh

(Bet)

Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
    Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
    huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
    upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
    palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
    higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
    nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
    iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.

Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh

(Gimmel)

17 Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
    upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
    kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
19 Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
    kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
20 Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
    ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
21 Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
    at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
22 Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
    yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
23 Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
    itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
24 Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
    siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.

Mga Awit 12-14

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]

12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
    wala nang taong tapat at totoo.
Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
    nagkukunwari at nagdadayaan sila.
Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
    at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
silang laging nagsasabi,
    “Kami'y magsasalita ng nais namin;
    at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
“Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
    “Upang saklolohan ang mga inaapi.
    Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”

Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
    ang katulad nila'y pilak na lantay;
    tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.

Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
    sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
    ang mga gawang liko ay ikinararangal!

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

13 Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin?
    Gaano katagal kang magtatago sa akin?
Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin
    at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin?
    Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin?

Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin,
    huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin.
Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo,
    at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko.

Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas,
    magagalak ako dahil ako'y ililigtas.
O Yahweh, ika'y aking aawitan,
    dahil sa iyong masaganang kabutihan.

Ang Kasamaan ng Tao(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

14 “Wala(B) namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.
    Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala!

Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat;
    tinitingnan kung may taong marunong pa,
    na sa kanya'y gumagalang at sumasamba.
Silang lahat ay naligaw ng landas,
    at naging masasama silang lahat;
walang gumagawa sa kanila ng tama,
    wala ni isa man, wala nga, wala!

Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam,
    itong masasama, lahat na ba'y mangmang?
Itong aking baya'y pinagnanakawan
    at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!”

Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod.
Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak,
    ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat.

Ang aking hinihiling nawa ay dumating,
    mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel.
Labis na magagalak ang bayang Israel,
    kapag muli silang pasaganain ni Yahweh.

Mga Kawikaan 17:1-20

17 Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan,
    mabuting di hamak kaysa malaki ngunit magulong handaan.
Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin,
    ng anak ng kanyang amo kung ito'y inutil.
Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak,
    ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang sumisiyasat.
Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama,
    at ang sinungaling ay sumusunod sa baluktot na dila.
Ang nanlalait sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
    at ang nagagalak sa kapahamakan ng iba'y mayroon ding pananagutan.
Ang mga apo ay putong ng katandaan;
    ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang magulang.
Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang,
    ni ang kasinungalingan sa taong marangal.
Sa paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka;
    kaya lahat ay makukuha kung may pansuhol ka.
Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan,
    ngunit ang pagkakalat ng kahinaan ay sumisira ng pagkakaibigan.
10 Ang matalino'y natututo sa isang salita
    ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang walang awa.
11 Ang nais ng masama'y paghihimagsik,
    kaya ipadadala sa kanya'y isang sugong malupit.
12 Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak
    kaysa kausapin ang isang mangmang na lublob sa kahangalan.
13 Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa,
    ang kapahamakan sa buhay ay di mawawala.
14 Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike;
    na dapat ay sarhan bago ito lumaki.
15 Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan,
    kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam.
16 Walang katuturan ang gumugol para sa pag-aaral,
    ng isang taong pumili na siya'y maging mangmang.
17 Ang(A) kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon,
    at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong.
18 Ang mangangakong magbayad para sa utang ng iba,
    kamangmangang maituturing ang kanyang ginagawa.
19 Ang umiibig sa kaguluhan ay umiibig sa kasalanan;
    at ang mayayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Ang masamang isipan ay hindi uunlad,
    ang sinungaling ay aabot sa kasawiang-palad.

2 Timoteo 3

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Juan 13:1-20

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.

Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”

Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”

Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”

Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”

10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.

18 “Hindi(C) kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ako'y pinagtaksilan ng taong pinapakain ko ng tinapay.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako Nga’. 20 Pakatandaan(D) ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”