Book of Common Prayer
Ang mga Huling Araw
3 Unawain mo ito: Magkakaroon ng mga panahon ng kapighatian sa mga huling araw. 2 Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. 3 Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. 4 Sila'y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. 5 Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. Layuan mo ang ganitong uri ng mga tao. 6 May ilan sa kanila ang gumagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga tahanan at makabihag ng mga mahihinang kababaihan, mga kababaihang pinahihirapan ng kasalanan at ng iba't ibang uri ng pagnanasa. 7 Sila'y laging tinuturuan, ngunit hindi nila natututuhan ang katotohanan. 8 Kung (A) paanong sinalungat nina Janes at Jambres si Moises, kalaban din ng katotohanan ang mga taong ito, mga taong masasama ang pag-iisip at hindi tunay ang pananampalataya. 9 Ngunit hindi magtatagal ang kanilang kasamaan, sapagkat mahahayag sa lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.
Mga Huling Habilin
10 Sinunod mong mabuti ang aking itinuro sa iyo, ang aking pamumuhay at layunin. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis. 11 Nasaksihan (B) mo ang mga pag-uusig at pagdurusang dinanas ko sa Antioquia, Iconio, at Listra. Ganoon na lang ang mga pag-uusig na tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Totoo ngang ang lahat ng ibig mabuhay bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Samantalang ang masasama at mandaraya ay lalong magpapakasama; sila'y manlilinlang at malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, yamang kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa iyong pagkabata ay alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nagbigay sa iyo ng karunungan upang matutuhan ang kaligtasang makakamit sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng mga kasulatan ay ihininga ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at pagsasanay sa katuwiran, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging karapat-dapat at lubusang maihanda sa lahat ng mabubuting gawa.
Ang Paghuhugas ni Jesus sa mga Paa ng mga Alagad
13 Bago sumapit ang pista ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang iwan na ang mundong ito at magpunta sa Ama. Dahil mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, minahal niya sila hanggang sa katapusan. 2 Bago pa man ang hapunan, naipasok na ng diyablo sa puso ni Judas, anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ng Ama ang lahat ng bagay at siya ay nagmula sa Diyos at papunta sa Diyos. 4 Tumayo siya pagkahapunan at naghubad ng kanyang panlabas na damit, at nagbigkis ng tuwalya. 5 Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6 Pagdating niya kay Simon Pedro ay nagsabi ito sa kanya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ngayon kung ano ang ginagawa ko, subalit pagkatapos ng mga ito'y maiintindihan mo rin.” 8 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi ninyo huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.” 9 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, huwag po ang mga paa ko lamang, pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo!” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangan pang hugasan maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na siya. Kayo'y malinis na, bagama't hindi lahat.” 11 Sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” Sapagkat kilala niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. 12 (A)Matapos niyang hugasan ang kanilang mga paa, nagsuot siya ng kanyang damit at muling naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Naiintindihan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, dahil gayon nga ako. 14 Kaya nga, kung akong inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 (B)Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang mga alipin ay hindi higit kaysa kanilang panginoon, at ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito. 18 (C)Hindi tungkol sa inyong lahat ang sinasabi ko; kilala ko kung sino ang mga pinili ko. Subalit ito ay upang matupad ang nasusulat, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay naghandang sumipa[a] sa akin.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari, upang kapag ito'y nangyari na, sumampalataya kayo na ako'y Ako Nga. 20 (D)Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa isinugo ko ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.