Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 41

Ang mangaawit ay may sakit. May mga kaaway at bulaang kaibigan. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

41 (A)Mapalad siya na (B)nagpapakundangan sa dukha:
(C)Ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
Pananatilihin siya, at iingatan siyang buháy ng Panginoon,
At siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa;
(D)At huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina:
Iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin:
(E)Pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi,
Kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
At kung siya'y pumaritong tingnang ako (F)siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan;
Ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili;
Pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin:
Laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya;
At ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
(G)Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan,
Na kumain ng aking tinapay,
Nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako,
Upang aking magantihan sila.
11 Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin,
Sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
12 At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako (H)sa aking pagtatapat,
At (I)inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman.
13 (J)Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel,
Mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
(K)Siya nawa, at Siya nawa.

Mga Awit 52

Sa Pangulong Manunugtog. Masquil ni David; nang dumating at magsaysay kay Saul si (A)Doeg na Idomeo, at magsabi sa kaniya, Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelech.

52 Bakit ka naghahambog sa kasamaan, Oh (B)makapangyarihang tao?
Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.
(C)Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama;
Gaya ng matalas na (D)pangahit, na gumagawang may karayaan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan;
(E)At ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah)
Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita,
Oh ikaw na magdarayang dila.
Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man,
Itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda,
At (F)bubunutin ka niya sa (G)lupain ng may buhay. (Selah)
(H)Makikita naman ng matuwid, at matatakot,
(I)At tatawa sa kaniya, na magsasabi,
Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios;
Kundi (J)tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan,
At nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.
Nguni't tungkol sa akin, (K)ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios:
Tumitiwala ako sa kagandahangloob ng Dios magpakailan-kailan man.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa:
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan (L)sapagka't mabuti, sa harapan ng (M)iyong mga banal.

Mga Awit 44

Sa Pangulong Manunugtog; Awit ng mga anak ni Core. Masquil.

44 Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios,
Isinaysay sa amin (A)ng aming mga magulang,
Kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan,
Ng mga kaarawan ng una.
(B)Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa,
Nguni't itinatag mo sila;
Iyong dinalamhati ang mga bayan,
Nguni't iyong pinangalat sila.
(C)Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
Ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay:
Kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng (D)liwanag ng iyong mukha,
(E)Sapagka't iyong nilingap sila.
(F)Ikaw ang aking Hari, Oh Dios:
(G)Magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.
Dahil sa iyo'y (H)itutulak namin ang aming mga kaaway:
Sa iyong pangalan ay (I)yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.
Sapagka't (J)hindi ako titiwala sa aking busog.
Ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
At inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.
Sa Dios ay naghahambog kami buong araw,
At mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)
Nguni't ngayo'y itinakuwil mo (K)kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri;
At hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Iyong pinatatalikod kami sa kaaway:
At silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.
11 (L)Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain;
At (M)pinangalat mo kami sa mga bansa.
12 (N)Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad,
At hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.
13 (O)Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa,
Isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.
14 (P)Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa,
(Q)At kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri,
At ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,
16 Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw;
(R)Dahil sa kaaway at sa manghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka,
Ni (S)gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
(T)Ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 Na kami ay iyong lubhang nilansag (U)sa dako ng mga chakal,
At tinakpan mo kami (V)ng lilim ng kamatayan.
20 Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios,
(W)O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;
21 (X)Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios?
Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 (Y)Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
23 (Z)Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon?
Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.
24 (AA)Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha,
At kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?
25 Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok:
Ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan,
At tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.

Zacarias 1:7-17

Ang mga kabayo na pangitain ni Zacarias.

Nang ikadalawang pu't apat na araw ng ikalabing isang buwan, na siyang buwan ng Sebath, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berechias, na anak ni Iddo, na propeta, na nagsasabi,

Aking nakita sa gabi, at, narito, ang (A)isang lalaking nakasakay sa isang mapulang kabayo, at siya'y tumayo sa mga puno ng mirto, na nasa pinakamababa; at sa likuran niya'y may mga (B)kabayong mapula, alazan, at maputi.

Nang magkagayo'y sinabi, Oh Panginoon ko, ano ang mga ito? At (C)ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipakikita sa iyo kung ano-ano ang mga ito.

10 At ang lalake na nakatayo sa mga puno ng mirto ay sumagot at nagsabi, Ang mga ito yaong mga sinugo ng Panginoon na magsilibot sa lupa.

11 At sila'y nagsisagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa mga puno ng mirto, at nagsabi, Aming nilibot ang lupa, at, narito, ang buong lupa ay tahimik, at tiwasay.

12 Nang magkagayo'y ang anghel ng Panginoon ay sumagot at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, (D)hanggang kailan mawawalan ka ng habag sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, (E)laban sa iyong mga kinagalitan (F)nitong pitong pung taon?

13 At ang Panginoo'y sumagot sa anghel na nakikipagusap sa akin ng mga mabuting salita, (G)ng mga salitang pangaliw.

14 Sa gayo'y ang anghel na nakikipagusap sa akin ay nagsabi sa akin. Ikaw ay humiyaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: (H)Ako'y naninibugho sa Jerusalem at sa Sion ng malaking paninibugho.

15 At ako'y totoong naghihinanakit sa mga bansa na mga tiwasay; (I)sapagka't ako'y naghinanakit ng kaunti, at sila'y nagsitulong ng pagbubungad ng kadalamhatian.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y nagbalik sa Jerusalem na may taglay na mga pagkahabag; ang aking bahay ay matatayo (J)roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at (K)isang pising panukat ay mauunat sa ibabaw ng Jerusalem.

17 Humiyaw ka pa uli, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang aking mga bayan ay sasagana dahil sa pagkasulong; at (L)aaliwin pa ng Panginoon ang Sion, at (M)pipiliin pa ang Jerusalem.

Apocalipsis 3:7-13

At (A)sa anghel ng iglesia sa (B)Filadelfia ay isulat mo:

Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong (C)totoo, (D)niyaong may susi ni David, (E)niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman:

Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.

Narito, ibinibigay ko (F)sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila'y (G)aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig.

10 Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa.

11 (H)Ako'y dumarating na madali: (I)panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang (J)iyong putong.

12 (K)Ang magtagumpay, ay gagawin kong (L)haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya (M)ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang (N)bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang (O)aking sariling bagong pangalan.

13 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.

Mateo 24:15-31

15 Kaya nga pagkakita ninyo (A)ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta (B)Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),

16 Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:

17 (C)Ang nasa (D)bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay:

18 At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.

19 Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!

20 At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:

21 Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.

22 At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa (E)mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.

23 Kung magkagayon, (F)kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan.

24 Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at (G)mga bulaang propeta, at (H)mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang.

25 Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.

26 Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan.

27 Sapagka't (I)gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.

28 (J)Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak.

29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim (K)ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:

30 At kung magkagayo'y (L)lilitaw (M)ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

31 At (N)susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding (O)pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978