Add parallel Print Page Options

Nagkasala ang Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kasamaan at kalikuan ng mga taong sumisikil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag sa kanila, yamang iyon ay ipinahayag na sa kanila ng Diyos. 20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang hindi nakikitang kalikasan—ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos—ay maliwanag na nakikita at nauunawaan dahil sa mga bagay na kanyang ginawa. Kaya't ang mga gayong tao'y wala nang maidadahilan pa. 21 Sapagkat (A) kahit na kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati o pinasalamatan man lang bilang Diyos. Sa halip, naging walang kabuluhan ang kanilang mga pag-iisip at naging madilim ang hangal nilang mga puso. 22 Sa kanilang pagmamarunong ay lumabas silang mga mangmang. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, at ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad at gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa maruruming pagnanasa ng kanilang mga puso, hanggang sa sila'y masadlak sa paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa mga bagay na nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. 26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng kanilang kababaihan sa mga lalaki sa likas na paraan kundi mas nais nilang makipagtalik sa kapwa babae.[a] 27 Ganoon din ang mga lalaki: iniwan nila ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, at sa kapwa lalaki nag-alab ang kanilang pagnanasa. Gumagawa sila ng kahalayan sa isa't isa, kaya't sila'y tumatanggap ng parusang nararapat sa kanilang masasamang gawa. 28 At palibhasa'y nagpasya na silang hindi kilalanin ang Diyos, hinayaan na ng Diyos na pagharian sila ng mahalay na pag-iisip at ng mga gawang kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, at kahalayan. Naghari sa kanila ang pagkainggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, 30 mapanirang-puri, namumuhi sa Diyos, walang-pakundangan, mapagmataas, at mayayabang. Nasanay na sila sa pagkatha ng kasamaan, at naging suwail sa mga magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang malasakit, mga walang awa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito. Gayunman, nagpatuloy sila sa paggawa ng mga bagay na ito at natutuwa pang makita ang iba na gumagawa rin ng gayon.

Read full chapter

Footnotes

  1. Roma 1:26 Ayaw...kapwa babae, sa Griyego,, ipinagpalit ang likas na pakikipagtalik sa di-likas.