Pahayag 20:1-10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Sanlibong Taon
20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. 2 Sinunggaban (A) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. 3 Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.
4 Pagkatapos, (B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. 5 Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.
Ang Pagkagapi ni Satanas
7 Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, 8 at lalabas (C) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. 9 Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.