Add parallel Print Page Options

15 At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas.

At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito.

Sila nga, palibhasa'y inihatid ng iglesia sa kanilang paglalakbay, ay tinahak ang Fenicia at Samaria, na isinasaysay ang pagbabalik-loob ng mga Gentil: at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.

At nang sila'y magsidating sa Jerusalem, ay tinanggap sila ng iglesia at ng mga apostol at ng mga matanda, at isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa pamamagitan nila.

Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises.

At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito.

At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya.

At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin;

At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso.

10 Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala?

11 Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila.

12 At nagsitahimik ang buong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila.

13 At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako:

14 Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan.

15 At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat,

16 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo:

17 Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan,

18 Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una.

19 Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios;

20 Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.

21 Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath.

22 Nang magkagayo'y minagaling ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesia, na magsihirang ng mga tao sa kanilang magkakasama, at suguin sa Antioquia na kasama ni Pablo at ni Bernabe; si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas na mga nangungulo sa mga kapatid:

23 At nagsisulat sila sa pamamagitan nila, Ang mga apostol at ang mga matanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nangasa mga Gentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati:

24 Sapagka't aming nabalitaan na ang ilang nagsialis sa amin ay nangangbagabag sa inyo ng mga salita, na isininsay ang inyong mga kaluluwa; na sa kanila'y hindi kami nangagutos ng anoman;

25 Ay minagaling namin, nang mapagkaisahan na, na magsihirang ng mga lalake at suguin sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na si Bernabe at si Pablo,

26 Na mga lalaking nangagsapanganib ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.

27 Kaya nga sinugo namin si Judas at si Silas, na mangagsasaysay din naman sila sa inyo ng gayon ding mga bagay sa salita ng bibig.

28 Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan:

29 Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.

30 Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay nagsilusong sa Antioquia; at nang matipon na nila ang karamihan, ay kanilang ibinigay ang sulat.

31 At nang ito'y kanilang mabasa na, ay nangagalak dahil sa pagkaaliw.

32 Si Judas at si Silas, palibhasa'y mga propeta rin naman, ay inaralan ang mga kapatid ng maraming mga salita, at sila'y pinapagtibay.

33 At nang sila'y makapaggugol na ng ilang panahon doon, ay payapang pinapagbalik sila ng mga kapatid sa mga nagsipagsugo sa kanila.

34 Datapuwa't minagaling ni Silas ang matira roon.

35 Datapuwa't nangatira si Pablo at si Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon, na kasama naman ng ibang marami.

36 At nang makaraan ang ilang araw ay sinabi ni Pablo kay Bernabe, Pagbalikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa bawa't bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang lagay nila.

37 At inibig ni Bernabe na kanilang isama naman si Juan, na tinatawag na Marcos.

38 Datapuwa't hindi minagaling ni Pablo na isama nila ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia, at hindi sumama sa kanila sa gawain.

39 At nagkaroon ng pagtatalo, ano pa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at lumayag sa Chipre:

40 Datapuwa't hinirang ni Pablo si Silas, at yumaon, na sila'y ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.

41 At kaniyang tinahak ang Siria at Cilicia, na pinagtitibay ang mga iglesia.

Ang Pagpupulong sa Jerusalem

15 May (A) ilang taong dumating sa Antioquia mula sa Judea na nagtuturo ng ganito sa mga kapatid, “Malibang kayo'y tuliin ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit na nakipagtalo sina Pablo at Bernabe sa kanila tungkol dito. At dahil naging mainit ang kanilang salungatan, sina Pablo at Bernabe, kasama ang iba pa, ay inatasang pumunta sa Jerusalem upang isangguni ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatandang tagapamahala ng iglesya. Sinugo nga sila ng iglesya. Sa kanilang pagdaan sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabalik-loob ng mga Hentil, na nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang makarating sila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng buong iglesya, ng mga apostol at ng matatanda. Iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Subalit tumindig ang ilang kaanib sa pangkat ng mga Fariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga Hentil at utusang sundin ang Kautusan ni Moises.” Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos (B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noon ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking pangangaral ay mapakinggan ng mga Hentil ang Magandang Balita, at sila'y sumampalataya. At (C) ang Diyos na nakaaalam ng puso ng tao ay nagpatunay sa kanila nang pagkalooban sila ng Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin. Walang pagtatangi na ginawa ang Diyos sa atin at sa kanila; sa halip, nilinis din niya ang kanilang mga puso nang sila'y sumampalataya. 10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos at iniaatang sa mga alagad ang mga pasaning kahit tayo o ang ating mga ninuno'y hindi nakayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus, gayundin sila.” 12 Tumahimik ang buong kapulungan at pinakinggan ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. 13 Pagkatapos nila, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Ipinaliwanag na ni Simon[a] kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang sila rin ay maging bayan para sa kanyang pangalan. 15 Sumasang-ayon dito ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,

16 ‘Pagkatapos (D) ng mga ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tolda ni David;
    muli ko itong ibabangon mula sa pagkaguho,
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
    at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
    sabi ng Panginoon na gumawa ng mga ito,
18 na nagpakilala mula noong una.’

19 Kaya't ako'y humahatol na huwag na nating pahirapan ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos. 20 Sa (E) halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng mga pagkaing pinarumi dahil ihinandog sa diyus-diyosan, huwag makiapid, at huwag kumain ng dugo at ng hayop na binigti. 21 Sapagkat noong araw pa ay ipinangangaral na ang Kautusan ni Moises sa bawat lungsod at binabasa sa mga sinagoga tuwing Sabbath.”

Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil

22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala, at ng buong iglesya, na pumili ng mga lalaki mula sa kanilang hanay at isugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. 23 Sa pamamagitan nila'y ipinadala ang liham na ganito ang nilalaman:

“Kaming mga apostol, mga matatanda, at mga kapatid ay bumabati sa mga kapatid na Hentil na nasa Antioquia, Syria at Cilicia. 24 Yamang nabalitaan namin na ginugulo kayo ng ilang tao na galing dito, kahit hindi namin sila inutusan, 25 napagkasunduan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating mga minamahal na sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong nagsuong sa panganib ng kanilang buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 27 Isinugo namin sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nilalaman ng liham na ito. 28 Minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin naming huwag na kayong bigyan ng mabigat na pasanin maliban sa mga ito na talagang kailangan: 29 Huwag kayong kakain ng anumang ihinandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo, at ng mga binigting hayop. Huwag kayong makikiapid. Iwasan ninyo ang mga bagay na ito at mapapabuti kayo. Paalam.”

30 Pinaalis ang mga sugo at pumunta ang mga ito sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat. 31 Pagkabasa nila nito, sila ay nagalak sa kanilang narinig. 32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay marami pang sinabi na nagpalakas ng loob at nagpatatag sa mga kapatid. 33 Pagkatapos na manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila. 34 [Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.][b] 35 Nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba, ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon.

Ang Paghihiwalay nina Pablo at Bernabe

36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” 37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag ding Marcos. 38 Ngunit (F) iginiit ni Pablo na huwag itong isama, sapagkat humiwalay ito noon at mula sa Pamfilia ay hindi na sumama sa kanilang gawain. 39 Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo na humantong sa kanilang paghihiwalay. Isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus. 40 Pinili naman ni Pablo si Silas, at sila'y umalis matapos ipagtagubilin ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. 41 Naglakbay siya sa Syria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya.

Footnotes

  1. Mga Gawa 15:14 Simon: Sa Griyego, Simeon.
  2. Mga Gawa 15:34 Wala ang talatang ito sa mga mas naunang manuskrito.