Add parallel Print Page Options

Ang Panawagan na Magsisi

Magtipun-tipon kayo at magpulong,
    bansang walang-hiya!
Bago kayo ipadpad na gaya ng ipang tinatangay ng hangin,
    bago ninyo lasapin ang matinding galit ni Yahweh,
    bago dumating sa inyo ang araw ng kanyang poot.
Manumbalik kayo kay Yahweh, kayong mapagpakumbaba,
    kayong sumusunod sa kanyang kautusan.
Gawin ninyo ang tama at kayo'y magpakumbaba kay Yahweh,
    baka sakaling kayo'y makaligtas
    sa parusa sa araw na iyon!

Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel

Walang(A) matitira sa lunsod ng Gaza,
    at walang matitira sa lunsod ng Ashkelon.
Ang mga taga-Asdod ay palalayasin sa katanghaliang-tapat,
    at itataboy ang mga taga-Ekron.
Kahabag-habag kayong naninirahan sa mga baybay-dagat,
    kahabag-habag kayo, mga Queretita!
Ang salita ni Yahweh ay laban sa iyo,
    O taga-Canaan, lupain ng mga Filisteo;
    lilipulin kong lahat ang inyong mga mamamayan.
At ang baybay-dagat ay magiging pastulan,
    tahanan ng mga pastol at silungan ng mga kawan.
Ang baybay-dagat ay titirhan
    ng mga hindi namatay sa lahi ni Juda;
    doon sila magpapastol,
at pagsapit ng gabi, sila'y matutulog sa mga bahay sa Ashkelon.
Sapagkat makakasama nila si Yahweh na kanilang Diyos
    at ibabalik ang kanilang mga kayamanan.

“Narinig(B) ko ang pangungutya ng Moab,
    at ang paghamak ng mga Ammonita;
iniinsulto nila ang aking bayan
    at ipinagmamalaking sasakupin ang kanilang lupain.”
Kaya(C) nga't sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    ang Diyos ng Israel,
“Isinusumpa kong mawawasak ang Moab tulad ng Sodoma,
    at ang Ammon, tulad ng Gomorra.
Ang lupain nila'y mapupuno ng dawag,
    at hindi na ito mapapakinabangan kailanman.
Sasamsaman sila ng mga nakaligtas sa aking bayan,
    at aangkinin ang kanilang lupain.”

10 Ito ang parusa sa kanilang kapalaluan,
    at sa paghamak nila sa bayan ni Yahweh.
11 Sisindakin sila ni Yahweh.
    Pawawalang-kabuluhan niya ang mga diyus-diyosan ng sanlibutan;
at siya ang sasambahin ng lahat ng bansa,
    sa kani-kanilang lupain.

12 Kayong(D) mga taga-Etiopia
    ay mamamatay rin sa digmaan.

13 Sa(E) kapangyarihan ni Yahweh ay wawasakin ang Asiria;
    ibabagsak niya ang Nineve, at ito'y matutulad sa isang disyerto.
14 Maninirahan dito ang mga kawan,
    at ang lahat ng uri ng mga hayop sa parang.
Ang mga buwitre ay magpupugad sa mga sirang haligi
    at huhuni ang mga kuwago sa may tapat ng bintana;
    gayundin ang mga uwak sa may pintuan,
    sapagkat malalantad ang mga kahoy na sedar.
15 Ito ang mangyayari sa palalong lunsod
    na hindi nababahala, at nagsasabing,
    “Wala nang hihigit pa sa akin!”
Anong laking kasawian ang kanyang sinapit;
    naging tirahan siya ng mababangis na hayop!
Kukutyain siya at pandidirihan ng lahat ng magdaraan doon.

Ang Malagim na Wakas ng mga Bansa

Sama-sama kayong pumarito
    at magtipon, O bansang walang kahihiyan;

bago ang utos ay lumabas, ang araw ay dadaang parang ipa,

    bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon,
    bago dumating sa inyo ang araw ng poot ng Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain,
    na sumusunod sa kanyang mga utos;
hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan,
    maaaring kayo'y maitago
    sa araw ng poot ng Panginoon.

Hahatulan ang mga Bansa sa Paligid ng Israel

Sapagkat(A) ang Gaza ay pababayaan,
    at ang Ascalon ay magigiba;
palalayasin ang mamamayan ng Asdod sa katanghaliang-tapat,
    at ang Ekron ay mabubunot.

Kahabag-habag ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat,
    ikaw na bansa ng mga Kereteo!
Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo,
    O Canaan, lupain ng mga Filisteo;
    aking wawasakin ka, hanggang maubos ang lahat ng mamamayan.
At ikaw, O baybayin ng dagat ay magiging pastulan,
    kaparangan para sa mga pastol,
    at mga kulungan para sa mga kawan.
At ang baybayin ay magiging pag-aari
    ng nalabi sa sambahayan ni Juda;
    na iyon ay kanilang pagpapastulan,
at sa mga bahay sa Ascalon ay
    mahihiga sila sa gabi.
Sapagkat dadalawin sila ng Panginoon nilang Diyos,
    at ibabalik mula sa kanilang pagkabihag.

“Aking(B) narinig ang panunuya ng Moab,
    at ang panglalait ng mga anak ni Ammon,
kung paanong tinuya nila ang aking bayan,
    at nagmalaki sila laban sa kanilang nasasakupan.
Kaya't(C) habang buháy ako,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
    ng Diyos ng Israel,
“ang Moab ay magiging parang Sodoma,
    at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra,
isang lupaing pag-aari ng mga dawag at tambakan ng asin,
    at isang pagkasira magpakailanman.
Sila'y sasamsaman ng nalabi sa aking bayan,
    at sila'y aangkinin ng nalabi sa aking bansa.”
10 Ito ang kanilang magiging kapalaran kapalit ng kanilang pagmamataas,
    sapagkat sila'y nanlibak at nagmalaki
    laban sa bayan ng Panginoon ng mga hukbo.
11 Ang Panginoon ay magiging kakilakilabot laban sa kanila;
    oo, kanyang gugutumin ang lahat ng diyos sa lupa;
at sa kanya ay yuyukod,
    bawat isa sa kanya-kanyang dako,
    ang lahat ng pulo ng mga bansa.

12 Kayo(D) rin, O mga taga-Etiopia,
    kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak.
13 At(E) kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga,
    at gigibain ang Asiria,
at ang Ninive ay sisirain,
    at tutuyuing gaya ng ilang.
14 At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon,
    lahat ng hayop ng mga bansa,
ang pelikano at gayundin ang kuwago
    ay maninirahan sa kanyang mga kabisera,
ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana,
    ang kasiraan ay darating sa mga pasukan;
    sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira.
15 Ito ang masayang bayan na
    naninirahang tiwasay,
na nagsasabi sa sarili,
    “Ako nga, at walang iba liban sa akin.”
Siya'y naging wasak,
    naging dakong higaan para sa mababangis na hayop!
Bawat dumaraan sa kanya
    ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay.

'Sofonias 2 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.