Zacarias 12
Magandang Balita Biblia
Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem
12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: 2 “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. 3 Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. 4 Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. 5 Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.
6 “Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.
7 “Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. 8 Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. 9 At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.
10 “Ang(A) (B) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”
Zacarias 12
Ang Biblia, 2001
Ang Darating na Pagliligtas sa Jerusalem
12 Ang salita ng Panginoon laban sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya:
2 “Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem.
3 Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya.
4 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan.
5 Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos.’
6 “Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem.
7 “Unang ililigtas ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.
8 Sa araw na iyon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon sa unahan nila.
9 At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem.
10 “Ibubuhos ko(A) (B) sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay.
11 Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.
12 Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;
13 ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;
14 ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.