Add parallel Print Page Options

Si Pablo, na alipin ng Dios, at apostol ni Jesucristo, ayon sa pananampalataya ng mga hinirang ng Dios, at sa pagkaalam ng katotohanan na ayon sa kabanalan,

Sa pagasa sa buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios na di makapagsisinungaling buhat pa ng mga panahong walang hanggan;

Nguni't sa kaniyang mga panahon ay ipinahayag ang kaniyang salita sa pangangaral, na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas;

Kay Tito na aking tunay na anak ayon sa pananampalataya ng lahat: Biyaya at kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Tagapagligtas natin.

Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang husayin mo ang mga bagay na nagkukulang, at maghalal ng mga matanda sa bawa't bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo;

Kung ang sinoman ay walang kapintasan, asawa ng isang babae lamang, na may mga anak na nagsisisampalataya, na hindi maisusumbong sa pangliligalig o suwail.

Sapagka't dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan;

Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil;

Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.

10 Sapagka't may maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga magdaraya, lalong lalo na yaong mga sa pagtutuli,

11 Na ang kanilang mga bibig ay nararapat matikom; mga taong nagsisipanggulo sa buong mga sangbahayan, na nangagtuturo ng mga bagay na di nararapat, dahil sa mahalay na kapakinabangan.

12 Sinabi ng isa sa kanila rin, ng isang propetang sarili nila, Ang mga taga Creta kailan pa man ay mga sinungaling, masasamang hayop, matatakaw na mga tamad.

13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y sawayin mong may kabagsikan sila, upang mangapakagaling sa pananampalataya,

14 Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.

15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa't sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa.

16 Sila'y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni't ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa'y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa't gawang mabuti.

Pagbati

Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos at kanilang malaman ang katotohanang aakay sa kabanalan, upang sila'y magkaroon ng pag-asa sa buhay na walang hanggan, na bago pa nagsimula ang mga panahon ay ipinangako na ng Diyos, ang Diyos na hindi nagsisinungaling. At sa takdang panahon ay ipinahayag niya ang kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Para (A) kay Tito na tunay kong anak sa iisang pananampalatayang aming pinagsasamahan: Sumaiyo ang kagandahang-loob at kapayapaan buhat sa ating Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.

Ang Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin doon ang mga bagay at upang pumili ka ng matatandang pinuno sa iglesya sa bawat bayan. Gaya ng ipinagbilin ko sa iyo, (B) ang pipiliin mo ay mga taong walang kapintasan, iisa lang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, hindi nanggugulo at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa,[a] hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim. Sa halip ay bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, maka-Diyos, at marunong magpigil sa sarili. Dapat na matibay ang kanyang paninindigan sa mga pagkakatiwalaang aral na natutuhan niya, upang maipangaral niya ang wastong aral sa iba at masaway ang mga sumasalungat dito.

10 Sapagkat marami ang ayaw magpasakop, mapagsalita ng walang kabuluhan, at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli. 11 Kailangan na silang patahimikin sapagkat winawasak nila ang mga sambahayan sa pagtuturo ng mga bagay na di dapat ituro para lang sa pansariling pakinabang. 12 Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi,

‘Ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, batugan, at matatakaw.’ 13 Totoo ang salitang ito. Kaya't buong tapang mo silang sawayin upang maituwid sila sa pananampalataya 14 at huwag nang makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga turo ng mga taong tumalikod na sa katotohanan. 15 Malinis ang lahat ng bagay sa taong malinis, ngunit sa marurumi at di sumasampalataya, walang bagay na malinis dahil marumi ang kanilang budhi at isipan. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Diyos ngunit ikinakaila naman ng kanilang gawain ang Diyos. Sila'y kasuklam-suklam sa Diyos, mga suwail, at hindi nararapat para sa anumang mabuting gawa.

Footnotes

  1. Tito 1:7 Sa Griyego, obispo.

Mula kay Pablo, na lingkod[a] ng Dios at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako ng Dios upang patibayin ang pananampalataya ng kanyang mga pinili, at ipaunawa sa kanila ang katotohanan tungkol sa uri ng buhay na katanggap-tanggap sa kanya. Ang pananampalataya at pang-unawang ito ang siyang nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Ang buhay na itoʼy ipinangako na ng Dios bago pa man niya likhain ang mundo, at hindi siya nagsisinungaling. At ngayon na ang panahon na itinakda niya upang maihayag ang kanyang salita tungkol sa buhay na ito. At sa akin ipinagkatiwala ng Dios na ating Tagapagligtas ang pangangaral ng salitang ito.

Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:

Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Ang mga Gawain ni Tito sa Crete

Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan. Piliin mo ang may magandang reputasyon,[b] isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo. Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera. Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat,[c] matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili. Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito. 10 Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila. 11 Kinakailangang pigilan sila, dahil nanggugulo sila sa mga sambahayan sa pangangaral ng mga bagay na hindi naman dapat ituro, para lang kumita ng salapi. 12 Isa mismo sa kanilang mga propeta ang nagsabi: “Ang mga taga-Crete ay sinungaling, asal-hayop, at mga batugang matatakaw.” 13 Tama ang kanyang sinabi. Kaya mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya 14 at huwag nang pansinin ang mga kathang-isip ng mga Judio o mga kautusang gawa-gawa lamang ng mga taong tumalikod sa katotohanan. 15 Sa mga malilinis ang isip, lahat ng bagay ay malinis. Ngunit sa mga marurumi ang isip at hindi sumasampalataya ay walang anumang malinis. Ang totoo, narumihan ang kanilang isipan at budhi. 16 Sinasabi nilang kilala nila ang Dios, ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Silaʼy kasuklam-suklam, masuwayin at walang mabuting ginagawa.

Footnotes

  1. 1:1 lingkod: sa literal, alipin.
  2. 1:6 may magandang reputasyon: o, walang kapintasan.
  3. 1:8 marunong magpasya kung ano ang nararapat: o, mapagpigil sa sarili.