Add parallel Print Page Options

Si Santiago, na alipin ng Dios at ng Panginoon Jesucristo, ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat.

Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso;

Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis.

At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anoman kakulangan.

Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito'y ibibigay sa kaniya.

Nguni't humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan: sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.

Sapagka't huwag isipin ng taong yaon na siya'y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon;

Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.

Datapuwa't ang kapatid na mababang kapalaran ay magmapuri sa kaniyang mataas na kalagayan:

10 At ang mayaman, dahil sa siya'y pinababa: sapagka't siya'y lilipas na gaya ng bulaklak ng damo.

11 Sapagka't sumisikat ang araw na may hanging nakakasunog, at naluluoy ang damo; at nangalalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang karikitan ng kaniyang anyo: gayon din naman ang taong mayaman na malalanta sa lahat ng kaniyang mga paglakad.

12 Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso; sapagka't pagkasubok sa kaniya, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya.

13 Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man:

14 Kundi ang bawa't tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat.

15 Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.

17 Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.

18 Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang.

19 Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit;

20 Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.

21 Kaya't ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa.

22 Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili.

23 Sapagka't kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin:

24 Sapagka't minamasdan niya ang kaniyang sarili, at siya'y umaalis at pagdaka'y kaniyang nalilimutan kung ano siya.

25 Nguni't ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon, na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa.

26 Kung ang sinoman ay nagiisip na siya'y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kaniyang dila, kundi dinadaya ang kaniyang puso, ang relihion ng taong ito ay walang kabuluhan.

27 Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan.

Pagbati

Mula (A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Binabati ko ang labindalawang liping nagsikalat sa iba't ibang bansa.

Pananampalataya at Karunungan

Ituring ninyong tunay na kagalakan, mga kapatid, kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng katatagan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y dumating sa hustong gulang, ganap at walang kakulangan. At kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat. Ngunit ang humihingi ay dapat magtiwala at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na hinihipan ng hangin at itinataboy kahit saan. Huwag isipin ng taong iyon na tatanggap siya ng anuman galing sa Panginoon. Ang taong iyon ay nagdadalawang-isip, di-tiyak sa lahat ng kanyang dinaraanan.

Kahirapan at Kayamanan

Dapat magalak ang dukhang kapatid na siya'y itinataas ng Diyos, 10 gayundin (B) ang mayamang kapatid na ibinababa, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak sa parang. 11 Sumisikat ang araw na may matinding init at tinutuyo ang damo; nalalagas ang bulaklak nito at ang ganda nito'y kumukupas. Gayundin naman, ang mayaman ay lilipas sa gitna ng kanyang pagpapayaman.

Tukso at Pagsubok

12 Pinagpala ang taong nananatiling matatag sa gitna ng pagsubok; sapagkat kung siya'y magtagumpay, tatanggapin niya ang korona ng buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag dumaranas siya ng pagsubok. Hindi maaaring matukso ng masama ang Diyos, at hindi rin naman siya nanunukso ninuman. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa sarili niyang pagnanasa. 15 Kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, nanganganak ito ng kasalanan, at ang kasalanan naman kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan. 16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay nagmumula sa itaas, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nag-iiba o nagdudulot man ng anino dahil sa pagbabago. 18 Ipinanganak niya tayo ayon sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.

Pakikinig at Pagtupad

19 Unawain ninyo ito, mga kapatid kong minamahal: bawat isa'y maging laging handang makinig, maingat sa pananalita, at hindi madaling magalit. 20 Sapagkat ang galit ng tao ay hindi nagbubunga ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng karumihan at laganap na kasamaan, at tanggaping may pagpapakumbaba ang salitang itinanim sa inyong puso. Ang salitang ito ang may kapangyarihang magligtas sa inyo. 22 Maging tagatupad kayo ng salita ng Diyos, at hindi tagapakinig lamang. Kung hindi, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sinumang nakikinig ng salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng taong tumitingin sa kanyang mukha sa salamin 24 at pagkatapos makita ang kanyang sarili ay umaalis at kaagad nalilimutan ang kanyang anyo. 25 Subalit ang taong masusing tumitingin at nagpapatuloy sa sakdal na kautusang nagpapalaya sa tao, siya ang pagpapalain ng Diyos sa kanyang mga gawain, kung siya'y tagatupad at hindi lamang tagapakinig na lumilimot ng kanyang narinig. 26 Kung iniisip ninuman na siya'y relihiyoso ngunit hindi marunong magpigil ng kanyang dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili at ang kanyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ang dalisay at walang kapintasang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihing malinis ang sarili mula sa karumihan ng sanlibutan.

Footnotes

  1. Santiago 1:1 o alipin.