Salmo 12
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
Awit 12
Ang Dating Biblia (1905)
12 Tumulong ka, Panginoon, sapagka't ang banal na tao ay nalilipol; sapagka't nagkukulang ng tapat sa gitna ng mga anak ng mga tao.
2 Sila'y nangagsasalitaan bawa't isa ng kabulaanan, sa kanikaniyang kapuwa: na may mapanuyang labi, at may giring pulang puso na nangagsasalita.
3 Ihihiwalay ng Panginoon, ang lahat na mapanuyang labi, ang dila na nagsasalita ng mga dakilang bagay:
4 Na nagsipagsabi, sa pamamagitan ng aming dila ay magsisipanaig kami; ang aming mga labi ay aming sarili: sino ang panginoon sa amin?
5 Dahil sa pagsamsam sa dukha, dahil sa buntong hininga ng mapagkailangan, titindig nga ako, sabi ng Panginoon; ilalagay ko siya sa kaligtasang kaniyang pinagmimithian.
6 Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita; na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay.
7 Iyong iingatan sila, Oh Panginoon, iyong pakaingatan sila mula sa lahing ito magpakailan man.
8 Ang masama ay naggala saa't saan man. Pagka ang kapariwaraan ay natataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
