Add parallel Print Page Options

At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan, Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan, na ikabubuti mo?

At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak, na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama? Narito, kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan.

Maligo ka nga, at magpahid ka ng langis, at magbihis ka at bumaba ka sa giikan: nguni't huwag kang pakilala sa lalake, hanggang siya'y makakain at makainom.

At mangyayari, paghiga niya, na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan, at ikaw ay papasok, at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa, at mahiga ka; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.

At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.

At siya'y bumaba sa giikan, at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan.

At nang si Booz ay makakain at makainom, at ang kaniyang puso'y maligayahan, siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo; at siya'y naparoong marahan, at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa, at siya'y nahiga.

At nangyari, sa hating gabi, na ang lalake ay natakot at pumihit: at, narito, isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan.

At sinabi niya, Sino ka? At siya'y sumagot, Ako'y si Ruth, na iyong lingkod: iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak.

10 At kaniyang sinabi, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko: ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una, sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman.

11 At ngayon, anak ko, huwag kang matakot; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi, sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait.

12 At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin.

13 Maghintay ka ngayong gabi, at mangyayari sa kinaumagahan, na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak, ay mabuti; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak: nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo, kung paano ang Panginoon ay nabubuhay: mahiga ka nga hanggang kinaumagahan.

14 At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan: at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa. Sapagka't kaniyang sinabi, Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan.

15 At kaniyang sinabi, Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan; at hinawakan niya; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada, at isinunong sa kaniya; at siya'y pumasok sa bayan.

16 At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan, ay sinabi niya, Ano nga, anak ko? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake.

17 At sinabi niya, Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin; sapagka't kaniyang sinabi, Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan.

18 Nang magkagayo'y sinabi niya, Maupo kang tahimik, anak ko, hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay: sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga, hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito.

Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz

Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang kanyang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga.[a] At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.” Sumagot si Ruth, “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.” Kaya pumunta siya sa giikan para gawin ang lahat ng sinabi sa kanya ng biyenan niya.

Nang matapos kumain at uminom si Boaz, gumanda ang pakiramdam niya. Nahiga siya sa tabi ng bunton ng sebada para matulog. Dahan-dahang lumapit si Ruth at iniangat ang kumot sa paanan niya at nahiga roon. At nang maghahatinggabi na ay nagising si Boaz, at nang nag-inat[b] siya, nagulat siya na may babaeng nakahiga sa paanan niya. Nagtanong si Boaz, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Ruth. Isa po ako sa malapit nʼyong kamag-anak na dapat nʼyong pangalagaan. Takpan nʼyo po ako ng damit ninyo para ipakita na pakakasalan at pangangalagaan nʼyo ako.” 10 Sinabi ni Boaz, “Anak, pagpalain ka nawa ng Panginoon. Ang katapatan na ipinakita mo ngayon sa pamilya mo ay mas higit pa sa ipinakita mo noon.[c] Sapagkat hindi ka humabol sa mga binata, mayaman man o mahirap. 11 Kaya huwag kang mag-alala, anak. Gagawin ko ang lahat ng hinihiling mo, dahil alam ng lahat ng kababayan ko na mabuti kang babae. 12 Totoong malapit mo akong kamag-anak, na may tungkuling pangalagaan ka, pero mayroon ka pang mas malapit na kamag-anak kaysa sa akin. 13 Manatili ka rito nang magdamag, at bukas ng umaga ay malalaman natin kung gagampanan niya ang tungkulin niya sa iyo. Kung papayag siya, mabuti, pero kung hindi, isinusumpa ko sa buhay na Panginoon na gagampanan ko ang tungkulin ko sa iyo. Sige, dito ka muna matulog hanggang umaga.”

14 Kaya natulog si Ruth sa paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga, pero madilim-dilim pa ay bumangon na si Ruth para hindi siya makilala, dahil ayaw ni Boaz na may makaalam na pumunta si Ruth doon sa giikan niya. 15 Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Dalhin mo rito sa akin ang balabal mo at ilatag mo.” Inilatag ito ni Ruth, at nilagyan ni Boaz ng mga anim na kilong sebada at ipinasan kay Ruth. At bumalik si Ruth[d] sa bayan.

16 Pagdating ni Ruth sa biyenan niya, tinanong siya, “Kumusta, anak?” Ikinuwento naman ni Ruth ang lahat ng ginawa ni Boaz. 17 At sinabi pa ni Ruth, “Ayaw po ni Boaz na umuwi ako sa inyo nang walang dala, kaya binigyan niya ako nitong anim na kilong sebada.” 18 Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka lang, anak, hanggang malaman mo kung ano ang mangyayari, dahil hindi titigil si Boaz hanggang sa maisaayos niya sa araw na ito ang hinihiling mo sa kanya.”

Footnotes

  1. 3:4 iangat … mahiga: Maaaring pagpapakita na humihingi siya ng proteksyon kay Boaz.
  2. 3:8 nag-inat: o, bumaling.
  3. 3:10 Ang katapatan na ipinakita niya noon sa pamilya niya ay ang pagsama niya sa kanyang biyenan pabalik sa Juda. At ang katapatan na ipinakita niya ngayon ay ang pagpapahalaga niya na makapag-asawa ng kamag-anak ng yumao niyang asawa.
  4. 3:15 si Ruth: o, si Boaz.
'Ruth 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Pinuntahan ni Ruth si Boaz

Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, “Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo?

Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan.

Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom.

At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin.”

Sinabi niya sa kanya, “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin.”

Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan.

Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth[a] ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga.

At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan!

Sinabi niya, “Sino ka?” At siya'y sumagot, “Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak.”

10 Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman.

11 Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat.

12 Tunay(A) nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin.

13 Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak[b] ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang Panginoon ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga.”

14 Siya nga'y nahiga sa kanyang paanan hanggang umaga, ngunit siya'y bumangon bago pa magkakilala ang isa't isa. Kanyang sinabi, “Huwag nawang malaman na ang babae ay pumunta sa giikan.”

15 Kanyang sinabi, “Dalhin mo rito ang balabal na iyong suot at hawakan mo.” Hinawakan niya ito, at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada. Isinunong ito sa kanya at siya'y pumasok sa lunsod.

16 Nang siya'y dumating sa kanyang biyenan ay sinabi niya, “Anong nangyari, anak ko?” Isinalaysay niya sa kanya ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kanya.

17 Sinabi niya, “Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin sapagkat kanyang sinabi, ‘Huwag kang pupunta sa iyong biyenan nang walang dala.’”

18 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Maghintay ka, anak ko, hanggang sa iyong malaman kung ano ang mangyayari, sapagkat ang lalaking iyon ay hindi hihinto, hanggang sa matapos niya ang bagay sa araw na ito.”

Footnotes

  1. Ruth 3:7 Sa Hebreo ay siya .
  2. Ruth 3:13 Sa Hebreo ay ang karapatang tumubos .