Roma 14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Huwag Humatol sa Kapatid
14 Tanggapin ninyo ang kapatid na mahina ang pananampalataya at huwag makipagtalo sa kanyang mga paniniwala. 2 Halimbawa, may kapatid na naniniwala na lahat ng pagkain ay maaaring kainin. Mayroon namang mahina ang pananampalataya at para sa kanya, gulay lamang ang dapat kainin. 3 Hindi dapat hamakin ng taong kumakain ng kahit ano ang tao na ang kinakain ay gulay lamang. At huwag hatulan ng tao na ang kinakain ay gulay lamang ang taong kumakain ng kahit ano. Sapagkat pareho silang tinatanggap ng Dios, 4 at sa Dios lang din sila mananagot. Kaya, sino ka para humatol sa utusan ng iba? Ang Amo[a] lang niya ang makapagsasabi kung mabuti o masama ang ginagawa niya. At talagang magagawa niya ang tama, dahil ang Panginoon ang tutulong sa kanya.
5 May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang mga araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Ang bawat tao ang bahalang magpasya para sa kanyang sarili tungkol sa bagay na iyan. 6 Ang taong may pinapahalagahang araw ay gumagawa nito para sa Panginoon. At ang tao namang kumakain ng kahit anong pagkain ay gumagawa rin nito para sa Panginoon, dahil pinapasalamatan niya ang Dios para sa kanyang pagkain. Ang hindi naman kumakain ng ilang klase ng pagkain ay gumagawa nito para sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Dios. 7 Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon. 9 Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Cristo, para maging Panginoon siya ng mga buhay at mga patay. 10 Kaya huwag ninyong hahatulan o hahamakin ang inyong kapatid kay Cristo. Sapagkat tayong lahat ay haharap sa Dios, at siya ang hahatol kung ang ginawa natin ay mabuti o masama. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ako, ang Panginoon na buhay ay sumusumpa na darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao sa akin at kikilalanin akong Dios.”[b] 12 Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Dios sa lahat ng ating mga ginawa.
13 Kaya nga huwag na tayong maghatulan. Sa halip, iwasan na nating gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Jesus, alam ko na wala talagang bawal na pagkain. Pero kung inaakala ng isang tao na bawal ang isang pagkain, dapat huwag niyang kainin. 15 Kung nasasaktan ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi na naaayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipapahamak ang kapatid mo kay Cristo dahil lang sa pagkain, dahil namatay din si Cristo para sa kanya. 16 Huwag mong gawin ang anumang bagay na itinuturing ng iba na masama kahit na para sa iyo ito ay mabuti. 17 Sapagkat ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi tungkol sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa isaʼt isa, at kagalakan na mula sa Banal na Espiritu. 18 Ang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugod-lugod sa Dios at iginagalang ng kapwa.
19 Kaya pagsikapan nating gawin lagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa. 20 Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, pero ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba. 21 Mas mabuti pang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gawin ang isang bagay kung iyon ang magiging dahilan ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Kaya anuman ang iyong paniniwala sa mga bagay na ito, ikaw na lang at ang Dios ang dapat makaalam. Mapalad ang taong hindi inuusig ng kanyang konsensya dahil sa paggawa ng mga bagay na alam niyang tama. 23 Pero ang sinumang kumakain nang may pag-aalinlangan ay nagkakasala[c] dahil hindi na ito ayon sa kanyang paniniwala. Sapagkat kasalanan ang anumang bagay na ginagawa natin na hindi ayon sa ating paniniwala.
Roma 14
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Huwag Hatulan ang Iyong Kapatid
14 Tanggapin (A) ninyo ang mahina sa paniniwala, ngunit hindi upang magtalo sa mga bagay na tungkol sa kuru-kuro lamang. 2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman. Ngunit ang isa namang mahina sa paniniwala ay gulay lamang ang kinakain. 3 Ang kumakain ng kahit anong pagkain ay huwag humamak sa hindi kumakain. At ang hindi kumakain ay hindi dapat humatol sa kumakain ng kahit anong pagkain, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos. 4 Sino ka upang humatol sa alipin ng iba? Ang kanyang panginoon lamang ang makapagsasabi kung siya'y tama o mali. At siya'y patutunayang tama sapagkat kaya siyang panindigan ng Panginoon. 5 May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang araw. May iba namang pare-pareho lamang ang turing sa bawat araw. Maging panatag ang bawat isa sa kanyang sariling pag-iisip. 6 Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At ang kumakain ng kahit anong pagkain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat din sa Diyos. 7 Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang at walang namamatay para sa sarili lamang. 8 Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon; at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay para sa Panginoon. 9 Dahil dito, si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Bakit (B) mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat (C) nasusulat,
“Yamang ako ay buháy,” sabi ng Panginoon, “sa aking harapan ang bawat isa ay luluhod,
at ang bawat tao ay magpapahayag ng pagkilala sa Diyos.”
12 Kaya, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng sarili sa Diyos.
Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala
13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.
Roma 14
Ang Biblia (1978)
14 Datapuwa't ang (A)mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.
2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.
3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at (B)ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.
4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.
5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay (C)sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.
6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't (D)siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.
7 Sapagka't (E)ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.
8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.
9 Sapagka't dahil dito ay (F)namatay si Cristo at nabuhay na (G)maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.
10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? (H)sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.
11 Sapagka't nasusulat,
(I)Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod,
At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.
12 Kaya nga ang (J)bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.
13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay (K)huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.
14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, (L)na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na (M)doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.
15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. (N)Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.
16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:
17 Sapagka't ang kaharian (O)ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.
18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.
19 Kaya nga (P)sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga (Q)bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.
20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang (R)lahat ng mga bagay ay malilinis; (S)gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.
21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, (T)ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.
22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.
23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
Romans 14
Revised Standard Version
Do Not Judge Another
14 As for the man who is weak in faith, welcome him, but not for disputes over opinions. 2 One believes he may eat anything, while the weak man eats only vegetables. 3 Let not him who eats despise him who abstains, and let not him who abstains pass judgment on him who eats; for God has welcomed him. 4 Who are you to pass judgment on the servant of another? It is before his own master that he stands or falls. And he will be upheld, for the Master is able to make him stand.
5 One man esteems one day as better than another, while another man esteems all days alike. Let every one be fully convinced in his own mind. 6 He who observes the day, observes it in honor of the Lord. He also who eats, eats in honor of the Lord, since he gives thanks to God; while he who abstains, abstains in honor of the Lord and gives thanks to God. 7 None of us lives to himself, and none of us dies to himself. 8 If we live, we live to the Lord, and if we die, we die to the Lord; so then, whether we live or whether we die, we are the Lord’s. 9 For to this end Christ died and lived again, that he might be Lord both of the dead and of the living.
10 Why do you pass judgment on your brother? Or you, why do you despise your brother? For we shall all stand before the judgment seat of God; 11 for it is written,
“As I live, says the Lord, every knee shall bow to me,
and every tongue shall give praise[a] to God.”
12 So each of us shall give account of himself to God.
Do Not Make Another Stumble
13 Then let us no more pass judgment on one another, but rather decide never to put a stumbling block or hindrance in the way of a brother. 14 I know and am persuaded in the Lord Jesus that nothing is unclean in itself; but it is unclean for any one who thinks it unclean. 15 If your brother is being injured by what you eat, you are no longer walking in love. Do not let what you eat cause the ruin of one for whom Christ died. 16 So do not let your good be spoken of as evil. 17 For the kingdom of God is not food and drink but righteousness and peace and joy in the Holy Spirit; 18 he who thus serves Christ is acceptable to God and approved by men. 19 Let us then pursue what makes for peace and for mutual upbuilding. 20 Do not, for the sake of food, destroy the work of God. Everything is indeed clean, but it is wrong for any one to make others fall by what he eats; 21 it is right not to eat meat or drink wine or do anything that makes your brother stumble.[b] 22 The faith that you have, keep between yourself and God; happy is he who has no reason to judge himself for what he approves. 23 But he who has doubts is condemned, if he eats, because he does not act from faith; for whatever does not proceed from faith is sin.[c]
Footnotes
- Romans 14:11 Or confess
- Romans 14:21 Other ancient authorities add or be upset or be weakened
- Romans 14:23 Other authorities, some ancient, insert here Ch 16.25–27
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Revised Standard Version of the Bible, copyright © 1946, 1952, and 1971 the Division of Christian Education of the National Council of the Churches of Christ in the United States of America. Used by permission. All rights reserved.
