Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

14 Datapuwa't ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.

May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.

Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.

Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.

May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.

Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.

Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.

Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.

Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.

10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.

11 Sapagka't nasusulat, Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod, At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.

12 Kaya nga ang bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.

13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.

14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.

15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.

16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:

17 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.

19 Kaya nga sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.

20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.

21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.

22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.

23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.

Huwag Hatulan ang Iyong Kapatid

14 Tanggapin (A) ninyo ang mahina sa paniniwala, ngunit hindi upang magtalo sa mga bagay na tungkol sa kuru-kuro lamang. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman. Ngunit ang isa namang mahina sa paniniwala ay gulay lamang ang kinakain. Ang kumakain ng kahit anong pagkain ay huwag humamak sa hindi kumakain. At ang hindi kumakain ay hindi dapat humatol sa kumakain ng kahit anong pagkain, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos. Sino ka upang humatol sa alipin ng iba? Ang kanyang panginoon lamang ang makapagsasabi kung siya'y tama o mali. At siya'y patutunayang tama sapagkat kaya siyang panindigan ng Panginoon. May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang araw. May iba namang pare-pareho lamang ang turing sa bawat araw. Maging panatag ang bawat isa sa kanyang sariling pag-iisip. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga nito para sa Panginoon. At ang kumakain ng kahit anong pagkain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ay hindi kumakain para sa Panginoon at nagpapasalamat din sa Diyos. Sapagkat walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang at walang namamatay para sa sarili lamang. Kung nabubuhay tayo, nabubuhay tayo para sa Panginoon; at kung mamamatay tayo, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo ay para sa Panginoon. Dahil dito, si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. 10 Bakit (B) mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. 11 Sapagkat (C) nasusulat,

“Yamang ako ay buháy,” sabi ng Panginoon, “sa aking harapan ang bawat isa ay luluhod,
    at ang bawat tao ay magpapahayag ng pagkilala sa Diyos.”

12 Kaya, ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit ng sarili sa Diyos.

Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala

13 Kaya nga huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, pagpasyahan natin ito, na huwag tayong maglagay ng hadlang sa daan ng ating kapatid o maging sanhi ng pagkakasala ninuman. 14 Sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, alam ko at lubos akong naniniwala na walang bagay na likas na marumi. Ngunit kung itinuturing ninuman na marumi ang isang bagay, para sa kanya, ito ay nagiging marumi. 15 Kaya kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na namumuhay ayon sa pag-ibig. Namatay rin si Cristo para sa kanya, huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain. 16 Huwag mong hayaan na ang itinuturing mong mabuti ay masabing masama. 17 Sapagkat walang kinalaman ang pagkain at pag-inom sa paghahari ng Diyos, kundi ang pagiging matuwid, ang mapayapang pamumuhay at kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. 18 Sapagkat sinumang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugud-lugod sa Diyos at kaaya-aya sa mga tao. 19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa. 20 Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Totoong malinis ang lahat ng bagay, ngunit mali ang kumain ng isang bagay na makatitisod sa iba. 21 Mabuti pang huwag ka nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang bagay na makatitisod sa iyong kapatid. 22 Anuman ang paniniwalaan mo, hayaan mong ikaw na lamang at ang Diyos ang makaalam. Maligaya ang taong hindi sinusumbatan ang kanyang sarili dahil sa mga bagay na itinuturing niyang tama. 23 Ngunit ang may pag-aalinlangan ay hinahatulan kung siya'y kumakain, sapagkat ginagawa niya ito nang hindi batay sa paniniwala. Ang anumang hindi batay sa paniniwala ay kasalanan.