Pahayag 21
Magandang Balita Biblia
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos(A) nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. 2 At(B) nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. 3 Narinig(C) ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. 4 At(D) papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”
5 Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” 6 Sinabi(E) rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. 7 Ito(F) ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. 8 Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” 10 Napasailalim(G) ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. 11 Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. 12 Ang(H) pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. 13 May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero.
15 Ang(I) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(J)(K) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.
22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi(L) na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. 24 Sa(M) liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. 25 Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. 26 Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, 27 ngunit(N) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod.
Pahayag 21
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos, (A) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. 2 Nakita (B) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. 3 At (C) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,
“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
4 papahirin (D) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”
5 At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” 6 Pagkatapos (E) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang (F) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko. 8 Ngunit para sa mga duwag, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga karumal-dumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kalalagyan nila ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre; ito ang ikalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” 10 Habang (G) nasa Espiritu, dinala niya ako sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod ng Jerusalem na bumababa mula sa langit, galing sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ningning nito ay tulad sa isang mamahaling bato, gaya ng haspe, na kasinlinaw ng kristal. 12 Mayroon (H) itong malaki at mataas na pader na may labindalawang pintuan. Sa mga pintuan ay may labindalawang anghel, at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong pintuan, sa hilaga ay may tatlong pintuan, sa timog ay may tatlong pintuan, at tatlo rin sa kanluran. 14 Ang mga pader ng lungsod ay may labindalawang saligan, at sa kanila ay nakasulat ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15 Ang (I) anghel na nakipag-usap sa akin ay may panukat na ginto, upang sukatin ang lungsod at ang mga pintuan at pader nito. 16 Parisukat ang pagkagawa sa lungsod; ang haba nito ay katulad ng luwang nito. Sinukat ng anghel ang lungsod gamit ang kanyang panukat, labindalawang estadia;[b] ang haba, luwang at taas nito ay magkakapareho. 17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginamit ng anghel. 18 Ang (J) (K) malaking bahagi ng pader ay haspe at dalisay na ginto naman ang lungsod, na kasinlinaw ng kristal. 19 Ang mga saligan ng pader ng lungsod ay napapalamutian ng iba't ibang mamahaling bato. Haspe ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonya ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topasyo ang ikasiyam, krisoprasio ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, amatista naman ang ikalabindalawa. 21 Ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, ang bawat pintuan ay yari sa isang perlas. Ang lansangan ng lungsod, ay dalisay na ginto, kasinlinaw ng salamin.
22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (L) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (M) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (N) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
Footnotes
- Pahayag 21:3 Sa ibang manuskrito, walangmagiging Diyos nila.
- Pahayag 21:16 humigit kumulang na 2,400 na kilometro.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.