Add parallel Print Page Options

Ang 144,000 na Tinatakan

Pagkatapos (A) nito, nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at pumipigil sa apat na hangin ng lupa, upang walang hanging makaihip sa lupa, sa dagat, at maging sa anumang puno. Nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa silangan, dala-dala ang tatak ng Diyos na buháy, at sumigaw nang malakas sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang salantain ang lupa at ang dagat. Sinabi niya sa kanila, “Huwag (B) ninyong salantain ang lupa o ang dagat, o ang mga puno, hanggang matatakan na namin sa kanilang noo ang mga alipin ng ating Diyos. At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan—isandaan at apatnapu't apat na libo ang tinatakan, mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:

Sa lipi ni Juda, 12,000;
sa lipi ni Ruben, 12,000;
sa lipi ni Gad, 12,000;
sa lipi ni Aser, 12,000;
sa lipi ni Neftali, 12,000;
sa lipi ni Manases, 12,000;
sa lipi ni Simeon, 12,000;
sa lipi ni Levi, 12,000;
sa lipi ni Isacar, 12,000;
sa lipi ni Zebulun, 12,000;
sa lipi ni Jose, 12,000;
sa lipi ni Benjamin, 12,000.

Ang Makapal na Bilang ng Tao mula sa Bawat Bansa

Pagkatapos nito ay tumingin ako, at naroon ang napakakapal na bilang ng taong hindi kayang bilangin ng sinuman, mula sa bawat bansa, mula sa lahat ng lipi, mga bayan, at mga wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak-hawak na mga sanga ng palma. 10 Sumisigaw sila na nagsasabi,

“Ang kaligtasan ay buhat sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero!”

11 At lahat ng anghel ay tumayo sa paligid ng trono, sa paligid ng matatanda, at ng apat na buháy na nilalang. Nagpatirapa sila sa harap ng trono at sinamba ang Diyos, 12 na nagsasabi,

“Amen! Sa aming Diyos ang kapurihan,
kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat,
karangalan, kapangyarihan at kalakasan
magpakailanpaman! Amen.”

13 Isa sa matatanda ang nagtanong sa akin, “Sino ang mga ito na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sinabi ko sa kanya, “Ginoo, (C) ikaw po ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa matinding kapighatian; hinugasan nila at pinaputi ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.

15 Dahil dito, sila'y nasa harap ng trono ng Diyos,
    at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa kanyang templo,
    at sila'y kukupkupin ng nakaupo sa trono.
16 Hindi (D) na sila magugutom ni mauuhaw man;
    hindi na sila sasaktan ng sikat ng araw,
    o ng anumang nakapapasong init;
17 sapagkat (E) ang Korderong nasa gitna ng trono ang kanilang magiging pastol,
    at kanyang aakayin sila tungo sa mga bukal ng tubig ng buhay,
at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”