Oseas 14
Ang Biblia (1978)
Ang Israel ay sinamo upang magbalik sa Panginoon.
14 Oh Israel, manumbalik ka sa (A)Panginoon mong Dios; sapagka't ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan.
2 Magpahayag kayo na may pagsisisi, at magsipanumbalik kayo sa Panginoon: sabihin ninyo sa kaniya, Alisin mo ang boong kasamaan, at tanggapin mo ang mabuti: sa gayo'y aming ilalagak na parang (B)mga toro ang handog ng aming mga labi.
3 Hindi (C)kami ililigtas ng Asiria; kami ay (D)hindi sasakay sa mga kabayo; ni magsasabi pa man kami sa gawa ng aming mga kamay, Kayo'y aming mga dios; (E)sapagka't dahil sa iyo'y nakakasumpong ng kaawaan ang ulila.
4 Aking gagamutin ang kanilang pagtalikod, (F)akin silang iibiging may kalayaan; sapagka't ang aking galit ay humiwalay sa kaniya.
5 Ako'y (G)magiging parang hamog sa Israel: siya'y bubukang parang lila, at kakalat ang kaniyang ugat na parang Libano.
6 Ang kaniyang mga sanga ay magsisiyabong, at ang kaniyang kagandahan ay magiging parang puno ng olibo, at ang kaniyang bango ay parang Libano.
7 (H)Silang nagsisitahan sa kaniyang lilim ay manunumbalik; sila'y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas: at ang amoy ay magiging gaya ng alak ng Libano.
8 Sasabihin ng Ephraim, Ano pa ang aking gagawin sa mga dios-diosan? Ako'y sasagot, at aking hahalatain siya: ako'y parang sariwang abeto; (I)mula sa akin ay nasusumpungan ang iyong bunga.
9 Sino (J)ang pantas, at siya'y makakaunawa ng mga bagay na ito? at mabait, at kaniyang mangalalaman? (K)sapagka't ang mga daan ng Panginoon ay matutuwid, at lalakaran ng mga ganap; nguni't kabubuwalan ng mga mananalangsang.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.