Mga Bilang 21:4-9
Magandang Balita Biblia
Ang mga Makamandag na Ahas
4 Mula(A) sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula[a] upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. 5 Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” 6 Dahil(B) dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay. 7 Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, “Nagkasala kami kay Yahweh at sa iyo. Ipanalangin mo kami na kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Nanalangin nga si Moises para sa Israel 8 at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” 9 Ganoon(C) nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.
Read full chapterFootnotes
- Mga Bilang 21:4 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.