Mga Bilang 21
Magandang Balita Biblia
Sinalakay ng mga Cananeo ang mga Israelita
21 Nabalitaan(A) ng hari ng Arad, isang haring Cananeo sa timog, na magdaraan sa Atarim ang mga Israelita. Sinalakay niya ang mga ito at nakabihag ng ilan. 2 Kaya ang mga Israelita'y gumawa ng panata kay Yahweh. Sabi nila, “Tulungan ninyo kaming talunin ang mga taong ito at wawasakin namin ang kanilang mga lunsod para sa iyo.” 3 Dininig naman sila ni Yahweh. Kaya, nang mabihag nila ang mga Cananeo ay winasak nga nila ang lunsod ng mga ito, at tinawag nilang Horma[a] ang lugar na iyon.
Ang mga Makamandag na Ahas
4 Mula(B) sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula[b] upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. 5 Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” 6 Dahil(C) dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay. 7 Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, “Nagkasala kami kay Yahweh at sa iyo. Ipanalangin mo kami na kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Nanalangin nga si Moises para sa Israel 8 at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” 9 Ganoon(D) nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay.
Ang Paglalakbay ng Israel sa Palibot ng Moab
10 Ang bayang Israel ay nagpatuloy sa paglalakbay at nagkampo sa Obot. 11 Mula roon, nagtuloy sila sa mga guho ng Abarim, sa ilang na nasa silangan ng Moab. 12 Pag-alis doon, nagpatuloy sila sa Libis ng Zared. 13 Buhat naman dito ay nagtuloy sila sa kabila ng Ilog Arnon, isang lugar na nasa pagitan ng lupain ng mga Amoreo at ng mga Moabita. 14 Kaya natala sa Aklat ng mga Pakikipagdigma ni Yahweh ang ganito:
“Parang ipu-ipong sinakop niya ang Waheb at ang kapatagan ng Arnon,
15 at ang kataasan hanggang sa kapatagan ng Ar
at sa hangganan ng Moab.”
16 Mula sa Arnon, nagpatuloy sila hanggang sa lugar na tinatawag na Balon. Ang lugar na ito'y tinawag na Balon sapagkat dito sila pinahukay ni Yahweh ng balon para makunan ng tubig. 17 Umawit sila roon ng ganito:
“Bumukal ka ng tubig, O balon
at sa iyo'y awit ang aming tugon,
18 mga pinuno ang humukay sa iyo
na ang gamit ay tungkod at setro.”
Mula sa ilang na iyon ay nagtuloy sila sa Matana, 19 nagdaan ng Nahaliel at Bamot. 20 Pag-alis doo'y nagtuloy sila sa isang kapatagang sakop din ng Moab, sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa ilang.
Nalupig ng Israel sina Haring Sihon at Og(E)
21 Ang mga Israelita'y nagsugo kay Haring Sihon, isang Amoreo. Ipinasabi nila, 22 “Maaari po bang makiraan kami sa inyong lupain? Hindi po kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni iinom sa inyong balon. Sa Lansangan ng Hari po kami daraan hanggang sa makalampas kami sa inyong nasasakupan.” 23 Subalit hindi sila pinahintulutan ni Haring Sihon; sa halip, tinipon niya ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita sa Jahaz. 24 Ngunit nagwagi ang mga Israelita at nasakop ang kanyang lupain, mula sa Ilog Arnon hanggang Jabok, sa may hangganan ng Ammon. Matitibay ang mga kuta ng Ammon. 25 Sinakop ng mga Israelita ang mga lunsod ng mga Amoreo, pati ang Lunsod ng Hesbon at ang mga bayang sakop nito. Pagkatapos, sila na ang nanirahan sa mga lunsod na ito ng mga Amoreo. 26 Ang Hesbon ang siyang punong-lunsod ni Haring Sihon na lumupig sa hari ng Moab at sumakop sa lupain nito hanggang Ilog Arnon. 27 Kaya ang sabi ng mga mang-aawit,
“Halikayo sa Hesbon
at muling itayo ang lunsod ni Sihon.
28 Mula(F) (G) sa Hesbon na lunsod ni Sihon,
lumabas na parang apoy ang kanyang hukbo.
Tinupok nito ang lunsod ng Ar sa Moab,
at nilamon ang kaburulan[c] ng Arnon.
29 Kawawa ka, Moab, sapagkat ito na ang iyong wakas!
Kawawa ka, bayan ng diyos na si Cemos!
Ang mga anak mong lalaki ay hinayaan niyang maging pugante.
Ang mga anak mong babae ay nabihag ni Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Napuksa pati ang mga sanggol
mula sa Hesbon hanggang sa Dibon,
mula sa Nasim hanggang sa Nofa na malapit sa Medeba.”
31 Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupaing nakuha nila sa mga Amoreo. 32 Pagkatapos, si Moises ay nagsugo ng mga espiya sa Jazer, at nasakop din nila ito pati ang mga karatig-bayan nito. Pinalayas din nila ang mga Amoreo roon.
33 Hinarap naman nila ang Bashan, ngunit nilabanan sila ni Haring Og sa Edrei. 34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Huwag kang matakot sapagkat ipapalupig ko siya sa iyo. Magagawa mo sa kanya ang ginawa mo kay Haring Sihon ng Hesbon.” 35 Napatay nga nila si Og, ang mga anak nito at ang lahat ng kababayan nito, wala silang itinirang buháy. Sinakop nila ang lupaing iyon.
Footnotes
- Mga Bilang 21:3 HORMA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito ay “pagkawasak”.
- Mga Bilang 21:4 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
- Mga Bilang 21:28 nilamon ang kaburulan: Sa ibang manuskrito'y ang mga pinuno .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.