Add parallel Print Page Options

Ang Lugar na Tinawag na Tabera

11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[a] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.

Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno

Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”

Ang(A) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y(B) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”

21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”

24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.

26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”

28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”

29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.

Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh

31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[b] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. 33 Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. 34 Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. 35 Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot.

Nag-usap sina Miriam at Aaron Laban kay Moises

12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si(C) Moises naman ay isang taong mapagpakumbaba higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa.

Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit(D) kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinghaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis.

10 Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, 11 sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. 12 Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” 13 Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!”

14 Ngunit(E) ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” 15 Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. 16 Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila.

Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(F)

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:

LipiPinuno
RubenSamua na anak ni Zacur
SimeonSafat na anak ni Hori
JudaCaleb na anak ni Jefune
IsacarIgal na anak ni Jose
EfraimOseas na anak ni Nun
BenjaminPalti na anak ni Rafu
ZebulunGadiel na anak ni Sodi
ManasesGadi na anak ni Susi
DanAmiel na anak ni Gemali
AsherSetur na anak ni Micael
NeftaliNahabi na anak ni Vapsi
GadGeuel na anak ni Maqui

16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.

21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[c] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.

25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”

30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”

31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(G) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”

Naghimagsik kay Yahweh ang Israel

14 Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik.

Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag(H) lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” 10 Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan.

Nanalangin si Moises para sa Bayan

11 Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.”

13 Sumagot(I) si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 14 At(J) kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. 15 Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na 16 nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. 17 Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, 18 ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ 19 Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.”

20 Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. 21 Ngunit(K) ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, 22-23 isa man sa mga nakakita ng himalang ginawa ko ay hindi makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Paulit-ulit nila akong sinusubok at hindi nila ako sinusunod. 24 Ngunit(L) si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. 25 Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula.[d] Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.”

Ang Parusa sa Israel

26 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? 28 Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. 29 Mamamatay(M) kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, 30 isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. 31 Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. 32 Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. 33 Ang(N) mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. 34 Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ 35 Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.”

Namatay ang Sampung Masamang Espiya

36 At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel 37 ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. 38 Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune.

Nalupig ang Israel sa Horma(O)

39 Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. 40 Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.”

41 Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? 42 Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. 43 Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.”

44 Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. 45 Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma.

Ang mga Tuntunin tungkol sa mga Handog

15 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, 10 at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh.

11 “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. 12 Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. 13 Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. 14 Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. 15 Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 16 Magkaroon(P) lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.”

17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, 19 magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. 20 Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. 21 Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon.

22 “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, 23 buhat sa pasimula hanggang sa wakas, 24 ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. 25 Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. 26 Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat.

27 “Kung(Q) ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 28 Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. 29 Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan.

30 “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. 31 Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.”

Pinarusahan ang Namulot ng Kahoy sa Araw ng Pamamahinga

32 Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. 35 Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” 36 Ganoon nga ang ginawa nila.

Ang Palawit sa Damit ng mga Israelita

37 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 38 “Sabihin(R) mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. 39 Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. 40 Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. 41 Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.”

Footnotes

  1. Mga Bilang 11:3 TABERA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Tabera” at “nagliliyab” ay magkasintunog.
  2. Mga Bilang 11:32 MALALAKING SISIDLAN: Ang mga sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na halos 220 litro.
  3. Mga Bilang 13:24 ESCOL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “buwig ng ubas”.
  4. Mga Bilang 14:25 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .