Mikas 3
Ang Biblia (1978)
Mga masasamang mga pinuno, saserdote, at mga propeta.
3 At aking sinabi, Isinasamo ko sa inyo, na inyong dinggin, ninyong mga pangulo ng Jacob, at mga pinuno ng sangbahayan ni Israel: (A)hindi baga sa inyo ang pagalam ng katuwiran.
2 Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan; (B)na siyang umaagaw sa mga dukha ng balat nila, at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
3 Kayo ring kumakain (C)ng laman ng aking bayan, at lumalapnos ng kanilang balat, at bumabali ng kanilang mga buto, at kanilang pinagputolputol yaon, na wari'y para sa palyok, at (D)parang laman sa loob ng caldera.
4 Kung magkagayo'y (E)magsisidaing sila sa Panginoon, nguni't hindi niya sasagutin sila; oo, kaniyang ikukubli ang kaniyang mukha sa kanila sa panahong yaon, ayon sa kanilang ginawang kasamaan sa kanilang mga gawa.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon (F)tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking bayan; (G)na nagkakanggigitil ng kanilang mga ngipin at nagsisihiyaw, Kapayapaan; at yaong hindi naglalagay sa kanilang bibig, (H)ay pinaghahandaan siya nila ng digma:
6 Kaya't (I)magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain; at magkakaroon ng kadiliman, na hindi kayo makapanghuhula; (J)at ang araw ay lulubog sa mga propeta, at ang araw ay mangungulimlim sa kanila.
7 At ang mga tagakita ay mangapapahiya, at ang mga manghuhula ay mangatutulig; oo, silang lahat ay (K)mangagtatakip ng kanilang mga labi; sapagka't walang kasagutan ng Dios.
8 Nguni't sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon, at ng kahatulan, at ng kapangyarihan, upang ipahayag sa Jacob ang kaniyang pagsalansang, at sa Israel ang kaniyang kasalanan.
9 Dinggin ninyo ito, isinasamo ko sa inyo, ninyong mga pangulo sa sangbahayan ni Jacob, at mga pinuno sa sangbahayan ni Israel, na nangapopoot sa kahatulan, at nangagbabaluktot ng matuwid.
10 (L)Kanilang itinatayo ang Sion sa pamamagitan ng (M)dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan.
11 Ang mga pangulo niya'y nagsisihatol dahil sa (N)suhol, at ang mga saserdote, (O)niya'y nangagtuturo dahil sa upa, at ang mga propeta niya'y nanganghuhula dahil sa salapi: gayon ma'y sila'y (P)sasandal sa Panginoon, at mangagsasabi, Hindi baga ang Panginoon ay nasa gitna natin? walang kasamaang darating sa akin.
12 Kaya't ang Sion (Q)ay bubukirin na parang isang bukid dahil sa inyo, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang mga bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa isang gubat.
Micas 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sinaway ni Micas ang mga Pinuno at mga Propeta
3 Sinabi ni Micas:[a] Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda![b] Hindi baʼt kayo ang dapat magpatupad ng katarungan? 2-3 Pero ayaw ninyo ang mabuti at gusto ninyo ang masama. Ginigipit ninyo ang aking mga kababayan, na parang binabalatan ninyo sila at inaalisan ng laman ang kanilang mga buto, pagkatapos ay tinatadtad ang mga buto at hinihiwa ang mga laman at saka niluluto at kinakain. 4 Sa araw ng pagpaparusa sa inyo, hihingi kayo ng tulong sa Panginoon, pero hindi niya kayo tutulungan; itatakwil niya kayo dahil sa inyong kasamaang ginagawa.
5 Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga propetang nanlinlang sa kanyang mga mamamayan, na nangangako ng mabuting kalagayan sa mga nagpapakain sa kanila, pero binabantaan nila ng kapahamakan ang ayaw magpakain sa kanila: 6 “Dahil iniligaw ninyo ang aking mga mamamayan, hindi na kayo magkakaroon ng mga pangitain at hindi na kayo makapanghuhula. Para kayong nasa dilim na wala kayong makikita. 7 Mapapahiya kayong mga propeta at manghuhula. Magtatakip kayo ng mukha sa sobrang hiya, dahil wala na kayong natatanggap na mensahe mula sa Dios.”
8 Pero ako ay puspos ng Espiritu ng Panginoon na siyang nagbibigay sa akin ng kapangyarihan para maipatupad ko ang katarungan, at nagpapalakas ng loob ko para masabi sa mga mamamayan ng Israel at Juda na nagkasala sila.
9 Makinig kayo, mga pinuno ng Israel at Juda! Ayaw ninyong pairalin ang katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran. 10 Itinatayo ninyo ang Zion[c] sa pamamagitan ng masamang paraan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 11 Humahatol kayo panig sa mga nagbibigay ng suhol sa inyo. At kayong mga pari ay nagpapabayad sa pagtuturo. Ganoon din kayong mga propeta, nanghuhula kayo dahil sa pera. Umaasa rin kayong tutulungan kayo ng Panginoon, dahil ayon sa inyo, “Kasama namin ang Panginoon. Kaya walang anumang masamang mangyayari sa amin.” 12 Kaya dahil sa inyo, gigibain ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Magiging katulad ito ng inararong bukid, at magiging bunton ng mga gumuhong gusali. At magiging gubat ang bundok na kinatatayuan ng templo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
