Mga Kawikaan 15
Ang Biblia, 2001
15 Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay,
ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang.
2 Ang dila ng marunong ay nagbabadya ng kaalaman;
ngunit ang bibig ng mga hangal ay nagbubuhos ng kahangalan.
3 Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawat panig,
sa masama at sa mabuti ay nagmamasid.
4 Punungkahoy ng buhay ang dilang mahinahon,
ngunit nakakasira ng espiritu ang kalikuan niyon.
5 Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama,
ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan.
6 Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan,
ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating na kaguluhan.
7 Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman,
ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal.
8 Ang handog ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang dalangin ng matuwid ay kanyang kaluguran.
9 Ang lakad ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na disiplina sa taong lumilihis sa daan,
at siyang namumuhi sa saway ay mamamatay.
11 Ang Sheol at ang Abadon[a] ay nakalantad sa Panginoon;
lalong higit pa ang puso ng mga tao!
12 Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto,
siya'y hindi magtutungo sa matalino.
13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha,
ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman,
ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan.
15 Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan,
ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan.
16 Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa Panginoon,
kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon.
17 Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig,
kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip.
18 Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo,
ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo.
19 Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag,
ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag.
20 Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama,
ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina.
21 Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait;
ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid.
22 Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay,
ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay.
23 Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan,
at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam!
24 Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas,
upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas.
25 Ginigiba ng Panginoon ang bahay ng palalo,
ngunit pinananatili niya ang hangganan ng babaing balo.
26 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang masasamang panukala,
ngunit nakalulugod sa kanya ang malilinis na salita.
27 Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan,
ngunit siyang namumuhi sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay nag-iisip ng isasagot,
ngunit ang bibig ng masama ay masasama ang ibinubuhos.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama,
ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya,
at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla.[b]
31 Ang taingang nakikinig sa mabuting payo,
ay tatahang kasama ng matatalino.
32 Siyang tumatanggi sa turo ay humahamak sa sariling kaluluwa,
ngunit siyang nakikinig sa pangaral ay nagtatamo ng unawa.
33 Ang takot sa Panginoon ay pagtuturo sa karunungan,
at ang pagpapakumbaba ay nauuna sa karangalan.
Footnotes
- Mga Kawikaan 15:11 o Pagkawasak .
- Mga Kawikaan 15:30 Sa Hebreo ay nagpapataba .
Kawikaan 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni't ang mabigat na salita ay humihila ng galit.
2 Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.
3 Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa't dako, na nagbabantay sa masama at sa mabuti.
4 Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay: nguni't ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.
5 Hinahamak ng mangmang ang saway ng kaniyang ama: nguni't siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.
6 Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan: nguni't sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.
7 Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman: nguni't ang puso ng mangmang ay hindi gayon.
8 Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.
9 Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.
11 Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon: gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!
12 Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.
13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.
15 Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni't siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.
16 Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon, kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.
17 Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig, kay sa matabang baka at may pagtataniman.
18 Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo: nguni't siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.
19 Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag: nguni't ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.
20 Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni't hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.
21 Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni't pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.
22 Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.
23 Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!
24 Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.
25 Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni't kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.
26 Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.
27 Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan: nguni't siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot: nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama: nguni't kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso: at ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.
31 Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas.
32 Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.
33 Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.
Kawikaan 15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
15 Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.
2 Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan.
3 Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid.
4 Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao,[a] ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.
5 Hindi pinapansin ng taong hangal ang pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang taong marunong, sumusunod sa mga paalala sa kanya.
6 Dadami ang kayamanan sa tahanan ng mga matuwid, ngunit anumang pag-aari ng masasama ay mawawala.[b]
7 Ikinakalat ng marunong ang kanyang karunungan, ngunit hindi ito magawa ng mangmang.
8 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.
9 Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.
10 Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay.
11 Kung alam ng Panginoon ang nangyayari sa daigdig ng mga patay, lalo namang alam niya ang nasa puso ng mga buhay.
12 Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan.
13 Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot.
14 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan.
15 Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya.
16 Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan.
17 Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan.
18 Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo.
19 Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad.
20 Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang.
21 Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid.
22 Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo.
23 Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon.
24 Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan.
25 Wawasakin ng Panginoon ang bahay ng hambog, ngunit iingatan niya ang lupain ng biyuda.
26 Kinasusuklaman ng Panginoon ang iniisip ng masasamang tao, ngunit nagagalak siya sa iniisip ng mga taong may malinis na puso.
27 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan.
28 Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita.
29 Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin.
30 Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita.
31 Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong.
32 Pinapasama ng tao ang kanyang sarili kapag binabalewala niya ang pagtutuwid sa kanyang pag-uugali, ngunit kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman.
33 Ang takot sa Panginoon ay nagtuturo ng karunungan, at ang nagpapakumbaba ay pinaparangalan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
