Mga Hukom 10
Ang Dating Biblia (1905)
10 At pagkamatay ni Abimelech ay bumangon doon, upang magligtas sa Israel, si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalake ng Issachar; at siya'y tumahan sa Samir sa lupaing maburol ng Ephraim.
2 At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't tatlong taon; at namatay, at inilibing sa Samir.
3 At pagkamatay niya'y bumangon si Jair, na Galaadita; at siya'y naghukom sa Israel na dalawang pu't dalawang taon.
4 At siya'y may tatlong pung anak na sumasakay sa tatlong pung asno, at sila'y may tatlong pung bayan na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nangasa lupain ng Galaad.
5 At namatay si Jair, at inilibing sa Camon.
6 At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, at kay Astaroth, at sa mga dios sa Siria, at sa mga dios sa Sidon, at sa mga dios sa Moab, at sa mga dios ng mga anak ni Ammon, at sa mga dios ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon, at hindi naglingkod sa kaniya.
7 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at ipinagbili niya sila sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng mga anak ni Ammon.
8 At kanilang pinahirapan at pinighati ang mga anak ni Israel nang taong yaon: labing walong taong pinighati ang lahat ng mga anak ni Israel na nangasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amorrheo, na nasa Galaad.
9 At ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang lumaban naman sa Juda, at sa Benjamin, at sa sangbahayan ni Ephraim; na ano pa't ang Israel ay totoong pinapaghinagpis.
10 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, na sinasabi, Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagka't aming pinabayaan ang aming Dios, at kami ay naglingkod sa mga Baal.
11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, Di ba pinapaging laya ko kayo sa mga taga Egipto, at sa mga Amorrheo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12 Ang mga Sidonio man, at ang mga Amalecita, at ang mga Maonita ay pumighati rin sa iyo; at kayo'y dumaing sa akin, at pinapaging laya ko kayo sa kanilang mga kamay.
13 Gayon ma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga dios: kaya't hindi ko na kayo palalayain.
14 Kayo'y yumaon at dumaing sa mga dios na inyong pinili; palayain kayo nila sa panahon ng inyong kapighatian.
15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, Kami ay nagkasala: gawin mo sa amin anomang iyong mabutihin; isinasamo namin sa iyo, na iligtas mo lamang kami sa araw na ito.
16 At kanilang inihiwalay ang mga dios ng iba sa kanila, at naglingkod sa Panginoon: at ang kaniyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa karalitaan ng Israel.
17 Nang magkagayon ang mga anak ni Ammon ay nagpipisan, at humantong sa Galaad. At ang mga anak ni Israel ay nagpipisan, at humantong sa Mizpa.
18 At ang bayan, at ang mga prinsipe sa Galaad, ay nagsangusapan, Sinong tao ang magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? siya'y magiging pangulo ng lahat na taga Galaad.
Mga Hukom 10
Ang Biblia, 2001
Si Tola at si Jair
10 Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim.
2 Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir.
3 Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon.
4 Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead.
5 At namatay si Jair at inilibing sa Camon.
Ang Israel ay Muling Tumalikod sa Diyos
6 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon at hindi naglingkod sa kanya.
7 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon.
8 Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead.
9 Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan.
10 Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal.”
11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12 Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay.
13 Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas.
14 Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian.”
15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito.”
16 Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa Panginoon at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel.
17 Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa.
18 Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, “Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead.”
Hukom 10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Si Tola at si Jair
10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo ang siyang namuno sa pagliligtas sa Israel. Mula siya sa lahi ni Isacar, pero tumira siya sa Shamir sa kabundukan ng Efraim. 2 Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 23 taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa Shamir.
3 Sumunod kay Tola ay si Jair na taga-Gilead. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng 22 taon. 4 Mayroon siyang 30 anak, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Ang mga ito ang namamahala sa 30 bayan sa Gilead na tinatawag ngayon na bayan ni Jair.[a] 5 Nang mamatay si Jair, inilibing siya sa Kamon.
Pinahirapan ng mga Ammonita ang mga Israelita
6 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Itinakwil nila ang Panginoon at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashtoret, at sa mga dios-diosan ng Aram,[b] Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. 7 Dahil dito, nagalit sa kanila ang Panginoon at pinasakop sila sa mga Ammonita at mga Filisteo. 8 At nang taon ding iyon, pinagdusa at pinahirapan nila ang mga Israelita. Sa loob ng 18 taon, pinahirapan nila ang lahat ng mga Israelita sa Gilead, sa silangan ng Ilog ng Jordan na sakop noon ng mga Amoreo. 9 Tumawid din ang mga taga-Ammon sa kanluran ng Ilog ng Jordan at nakipaglaban sa lahi nina Juda, Benjamin at ang sa sambahayan ni Efraim. Dahil dito, labis na nahirapan ang Israel.
10 Kaya humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon. Sinabi nila, “Nagkasala po kami laban sa inyo, dahil tumalikod kami sa inyo na aming Dios at sumamba sa mga imahen ni Baal.” 11-12 Sumagot ang Panginoon, “Nang pinahirapan kayo ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidoneo, Amalekita at mga Maon,[c] humingi kayo ng tulong sa akin at iniligtas ko kayo. 13 Pero tumalikod kayo sa akin at sumamba sa ibang mga dios. Kaya ngayon hindi ko na kayo ililigtas. 14 Bakit hindi kayo humingi ng tulong sa mga dios na pinili ninyo na sambahin? Sila na lang ang magligtas sa inyo sa oras ng inyong kagipitan.”
15 Pero sinabi nila sa Panginoon, “Nagkasala po kami sa inyo, kaya gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa amin. Pero maawa po kayo, iligtas nʼyo po kami ngayon.” 16 Pagkatapos, itinakwil nila ang mga dios-diosan nila at sumamba sa Panginoon. Kinalaunan, hindi na matiis ng Panginoon na makita silang nahihirapan.
17 Dumating ang araw na naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Nagkampo ang mga Ammonita sa Gilead, at ang mga Israelita sa Mizpa. 18 Nag-usap ang mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Kung sino ang mamumuno sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita, siya ang gagawin nating pinuno sa lahat ng nakatira sa Gilead.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
