Add parallel Print Page Options

10 Ang Kautusan ay nagtataglay ng anino lamang ng mabubuting bagay na darating at hindi ng totoong anyo ng mga iyon. Kaya, kailanman ay hindi kaya ng kautusan na gawing ganap ang mga lumalapit sa pamamagitan ng mga alay na laging ihinahandog taun-taon. Kung hindi gayon, sana ay tinigil na ang paghahandog ng mga iyon, kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan ay wala nang kamalayan sa kanilang kasalanan. Ngunit ang mga handog na iyon ay taun-taong nagsisilbing paalala ng mga kasalanan. Sapagkat hindi kayang pawiin ng dugo ng mga toro at ng mga kambing ang mga kasalanan.

Kaya't (A) nang dumating si Cristo sa sanlibutan, sinabi niya,

“Alay at handog, hindi mo kinalugdan,
    ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,
    sa mga ito ay hindi ka nalugod.
Kaya't sinabi ko, ‘Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban,
    gaya ng sinasaad tungkol sa akin, sa balumbon ng Kasulatan.’

Nang sabihin niya na, “Alay at handog, hindi mo kinalugdan; sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,” na ihinahandog ayon sa Kautusan, idinagdag din niya, “Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang pag-aalay upang bigyang-daan ang pangalawa, ang pag-aalay ni Cristo.[a] 10 At dahil sa pagsunod ni Jesu-Cristo sa kalooban ng Diyos, tayo'y ginawang banal dahil sa pag-aalay ng katawan ni Cristo, pag-aalay na minsanan at ang bisa ay magpakailanman.

11 Araw-araw (B) na ginagampanan ng pari ang paglilingkod, paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog na hindi naman kailanman nakapapawi ng mga kasalanan. 12 Ngunit (C) minsan lamang naghandog si Cristo ng iisang alay na panghabang-panahon para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Pagkatapos nito'y umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Mula nang panahon na iyon ay naghihintay siya hanggang ang kanyang mga kaaway ay maipailalim sa kanyang mga paa. 14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang alay ay kanyang ginawang sakdal magpakailanman ang mga ginagawang banal.

15 Ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Una ay sinabi niya,

16 “Ito (D) ang pakikipagtipan na gagawin ko sa kanila,
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga tuntunin sa kanilang mga puso,
    itatanim ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”

17 pagkatapos ay sinabi (E) rin niya,

“Ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

18 Dahil mayroon nang kapatawaran sa mga kasalanan, hindi na kailangang mag-alay pa para sa mga ito.

Mga Paalala at Babala

19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (F) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.

26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala matapos na lubos nating malaman ang katotohanan, wala nang maaari pang ialay para sa mga kasalanan. 27 Sa halip, (G) ang natitira na lamang ay ang paghihintay sa isang kakila-kilabot na paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway. 28 Ang (H) sumuway sa Kautusan ni Moises, batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang pinapatay. 29 Sa (I) tingin ninyo, hindi ba higit na parusa ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa taong iyon, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30 Sapagkat (J) kilala natin siya na nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti, ako ang maniningil.” Sinabi rin, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot na bagay ang mahulog mula sa mga kamay ng buháy na Diyos.

32 Alalahanin ninyo ang nagdaang mga araw. Matapos kayong maliwanagan, matibay kayong nanindigan sa gitna ng mga pagtitiis at pakikipaglaban. 33 May mga panahong hayagan kayong inaalipusta at inusig; at may mga panahon ding naging kasama kayo ng mga taong pinaranas ng gayon. 34 Sapagkat kinahabagan ninyo ang mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkamkam ng inyong mga ari-arian, palibhasa'y alam ninyo na mayroon kayong kayamanang higit na mabuti at magpakailanman. 35 Kaya't huwag ninyong sayangin ang inyong pagtitiwala sa Diyos, sapagkat nagdudulot ito ng dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyong magpakatatag, upang pagkatapos ninyong gampanan ang kalooban ng Diyos ay tatanggapin ninyo ang kanyang ipinangako.

37 Sapagkat (K) “kaunting panahon na lamang,
    Siya na dumarating ay darating at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.
Kung siya'y tumalikod,
    hindi malulugod sa kanya ang aking kaluluwa.

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; sa halip, kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Footnotes

  1. Mga Hebreo 10:9 Sa Griyego, Inalis niya ang una, upang itatag ang ikalawa.

10 Sapagka't ang kautusan na may isang anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kailan pa man ay di maaaring magpasakdal sa mga nagsisilapit sa pamamagitan ng mga hain na laging inihahandog sa taon-taon.

Sa ibang paraan ay hindi kaya baga nagsipaglikat sila ng paghahandog? sapagka't ang mga nagsisisamba, yamang nalinis na minsan, ay hindi na sana nagkaroon pa ng budhi sa mga kasalanan.

Nguni't sa mga hain yaon ginagawa ang pagaalaala sa mga kasalanan taon-taon.

Sapagka't di maaari na ang dugo ng mga baka at ng mga kambing ay makapagalis ng mga kasalanan.

Kaya't pagpasok niya sa sanglibutan, ay sinasabi, Hain at handog ay hindi mo ibig. Nguni't isang katawan ang sa akin ay inihanda mo;

Sa mga handog na susunugin at mga haing patungkol sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod.

Nang magkagayo'y sinabi ko, Narito, ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.) Upang gawin, Oh Dios, ang iyong kalooban.

Sa itaas ay sinasabi, Mga hain at mga handog at mga handog na susunuging buo at mga haing patungkol sa kasalanan ay hindi mo ibig, at di mo rin kinalulugdan (mga bagay na inihahandog ayon sa kautusan),

Saka sinabi niya, Narito, ako'y pumarito upang gawin ang iyong kalooban. Inaalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa.

10 Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man.

11 At katotohanang ang bawa't saserdote na araw-araw ay nangangasiwa ng patayo at naghahandog na madalas ng gayon ding mga hain, na hindi makaalis kailan pa man ng mga kasalanan:

12 Nguni't siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios;

13 Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa.

14 Sapagka't sa pamamagitan ng isang paghahandog ay kaniyang pinasakdal magpakailan man ang mga pinapagiging-banal.

15 At ang Espiritu Santo ay nagbibigay patotoo rin naman sa atin; sapagka't pagkasabi niya na,

16 Ito ang tipang gagawin ko sa kanila Pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang puso, At isusulat ko rin naman sa kanilang pagiisip;

17 At ang kanilang mga kasalanan at kanilang mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.

18 At kung saan may kapatawaran ng mga ito ay wala nang paghahandog na patungkol pa sa kasalanan.

19 Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman;

21 At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios;

22 Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig,

23 Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako:

24 At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa;

25 Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

26 Sapagka't kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan,

27 Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.

28 Ang magpawalang halaga sa kautusan ni Moises sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay mamamatay na walang awa:

29 Gaano kayang higpit ng parusa, sa akala ninyo, ang ihahatol na nauukol doon sa yumurak sa Anak ng Dios, at umaring di banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?

30 Sapagka't ating nakikilala yaong nagsabi, Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti. At muli, Huhukuman ng Panginoon ang kaniyang bayan.

31 Kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Dios na buhay.

32 Datapuwa't alalahanin ang mga nakaraang araw, na sa mga yaon, pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nangagtiis kayo ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata;

33 Na una una ay naging isang katawatawa dahil sa mga pagkasiphayo at gayon din sa mga kahirapan; at sa ikalawa, ay naging kasama niyaong mga inaring gayon.

34 Sapagka't kayo'y nangahabag sa mga may tanikala, at tinanggap ninyo ng buong galak ang pagkaagaw ng inyong pag-aari, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayo sa inyong sarili ng isang pag-aaring lalong mabuti at tumatagal.

35 Huwag nga ninyong itakuwil ang inyong pagkakatiwala, na may dakilang ganting-pala.

36 Sapagka't kayo'y nangangailangan ng pagtitiis, upang kung inyong magawa ang kalooban ng Dios, ay magsitanggap kayo ng pangako.

37 Sapagka't sa madaling panahon, Siyang pumaparito ay darating, at hindi magluluwat.

38 Nguni't ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya: At kung siya ay umurong, ay hindi kalulugdan ng aking kaluluwa.

39 Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.

10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila. Kaya nga, nang dumating si Jesus dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,

    “Hindi mo nagustuhan ang mga handog at kaloob ng mga tao,
    kaya binigyan mo ako ng katawan na ihahandog ko.
Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis.
Kaya sinabi ko sa iyo, ‘Narito ako para tuparin ang kalooban mo, O Dios, ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”[a]

Una, sinabi ni Cristo na hindi nagustuhan ng Dios ang mga handog at kaloob, at hindi siya nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis kahit na ipinapatupad ito ng Kautusan. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako para sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Dios ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Cristo. 10 At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.

11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[b] niya.

15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,

16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
    ‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[c]

17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[d] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[e] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[f] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[g] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.

32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[h]

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Footnotes

  1. 10:7 Salmo 40:6-8.
  2. 10:14 pinabanal: sa Griego, hagios, na ang ibig sabihin ay itinuring ng Dios para sa kanya.
  3. 10:16 Jer. 31:33.
  4. 10:17 Jer. 31:34.
  5. 10:22 nilinis: sa literal, nawisikan.
  6. 10:30 Deu. 32:35.
  7. 10:30 Deu. 32:36.
  8. 10:38 Hab. 2:3-4.